MANILA, Philippines – Gusto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang susunod na Ombudsman ay wala dapat kinikilingan.
Ipinahayag ito ng Malacañang matapos lumutang ang ulat na diumano’y may plano si Pangulong Marcos na magtalaga ng kaalyado nito upang ipabilanggo si Vice President Sara Duterte at mga kaalyado nito bago ang 2028.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang susunod na Ombudsman ay dapat may integridad at nonpartisan, base sa mga katangiang hinahanap ni Pangulong Marcos.
“Ang gusto po ng Pangulo, of course, ay dapat may integridad, hindi nadidiktahan at walang kinakampihan,” ayon kay Castro.
Sa ulat, itinuro ni Senadora Imee Marcos na may pagsisikap umanong patalsikin si VP Sara bago pa ang 2028 presidential race sa pamamagitan ng pagtatalaga ng bagong Ombudsman, isang administration ally.
Inakusahan ng senadora ang administrasyon na nagluluto ng “Plan C” sa pamamagitan ng aplikasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa Ombudsman post, kasunod ng bigong pagtatangka na patalsikin si VP Sara sa pamamagitan ng people’s initiative at impeachment.
Sinabi ni Castro na walang dapat ikatakot ang mga Duterte at kanilang mga kaalyado sakaling makita ng Ombudsman na may pangangailangang magsampa ng kaso laban sa kanila.
“Hindi po ba mas nararapat po na maging independent ang magiging Ombudsman dahil independent constitutional body naman ito? At kinakailangang magsampa ng kaso kung nararapat,” ayon kay Castro.
“Kaya naman nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Ano po ba ang hinaharang dito ni Senator Imee? Ang maitatalagang Ombudsman ay dapat hindi kinikilingan, hindi kinakampihan ang mga kaibigan,” dagdag pa niya.
Samantala, sa kabila ng akusasyon ni Imee Marcos, “(Pres.) Marcos will not say anything negative against her,” ayon kay Castro. (Kris Jose)