Home NATIONWIDE Patas na POGO probe siniguro ng DOJ

Patas na POGO probe siniguro ng DOJ

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na magiging patas ito sa pag-iimbistiga sa mga kilalang indibidual na sinasabing may kaugnayan sa iligal na Philippine Online Gaming Operators (POGO).

Sinabi ni DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na magiging makatarungan ang gagawin nilang pagsusuri sa mga kaso at aakto batay sa mga nakalap na ebidensya.

Ang reaksyon ng DOJ ay kasunod ng mga ulat na isang dating Cabinet official ang naglo-lobby pabor sa mga iligal na POGO sa bansa.

Iginiit rin ng DOJ na hindi nito pangangalanan ang inaakusahan na cabinet official at ipinauibaya na lamang sa mga nag-aakusa.

“It’s not also our business to give our opinion on certain issues but we are and we will always be evidence based so as long as may evidence yan, there is no choice but to file the case we will make sure that it is properly evaluated and filed in court,” ani Clavano.

Ganito rin aniya ang gagawin sa kaso naman ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa sandali aniyang isampa sa prosecutor ang reklamo ay agad ine-evaluate ito ng mga fiskal. Sa sandaling may makitang basehan ang piskal ay magtatakda ito ng preliminary investigation.

Magugunita na isinampa nitong nakaraang buwan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang reklamo laban kay Guo at iba pa dahil sa human trafficking kaugnay sa sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac. Teresa Tavares