ARAW ngayon ng mga bayani.
Pero nakalulungkot isipin na may mga bayani tayong nagpapatay sa kanilang mga kapwa bayani o mga Pinoy mismo ang salarin.
Kabilang sa mga nakarekord na pagpatay sa bayani ang kay Gat Jose Rizal.
Walong sundalong Pinoy na tauhan ng mga Kastila ang bumuo ng firing squad na pumatay sa kanya habang nakatalikod sa Luneta o Rizal Park, Manila.
Sumunod dito ang utos ni bayaning ex-President Emilio Aguinaldo na iligpit si bayani ring Gat Andres Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio sa Cavite.
Unang iniutos ni Aguinaldo na idistierro si Bonifacio ngunit inamin nitong binawi niya ito at sa halip, pinapatay niya ang dalawa dahil sa sulsol nina Heneral Mariano Noriel and Pio del Pilar na kapwa miyembro ng Council of War, alang-alang umano sa kapanatagan ng bansa.
Pinaniniwalaan din ngunit hindi gaanong kumpirmado na pinapatay rin ni Aguinaldo si Heneral Antonio Luna sa loob ng isang simbahan sa Cabanatuan City, ngunit malinaw sa mga kwento na pinanonood ng ina ni Aguinaldo ang pagpaslang at narinig itong nagtanong ng, “Nagalaw pa ba ‘yan?”
Sa nadatnan nating kasaysayan, pinatay naman si ex-Senator Benigno Aquino ni Rogelio Moreno na pumatay pa rin kay Rolando Galman na fall guy sa pagpatay kay Aquino sa ngayo’y Ninoy Aquino International Airport, Pasay City.
Kung sino ang nagpapatay, walang nakaaalam sa kabila ng imbestigasyon dito nina ex-President Cory Aquino at anak niyang si ex-President Noynoy Aquino.
Gayunman, ex-President Ferdinand Marcos Sr. ang itinuturong nasa likod ng pagpatay o ang ilan niyang mga crony.
Ang bayani ng mga obrero na si Rolando Olalia ay pinatay naman nina Fernando Casanova, Dennis Jabatan at Desiderio Perez na miyembro ng Reform the Armed Forces Movement na bayaning grupo ng mga sundalo kaugnay ng 1986 People Power.
O mga brad, gusto n’yong maging bayani?






