LAGUNA, Philippines – Patay ang isang pulis at sugatan ang kanyang mga kasamahan at isang preso matapos bumangga ang police patrol car na sinasakyan nila sa iconic welcome stone arch sa Barangay Sampaloc, sa Pagsanjan, noong Lunes, Nob. 17.
Kinilala ang biktima na si Police Staff Sgt. Aldwin Jamilla, may asawa, ng Pagsanjan Municipal Police Station.
Ayon sa imbestigasyon, pabalik na sa himpilan ng pulisya ang patrol car na minamaneho ni Jamilla nang sakupin ng isang motorsiklo ang kanilang lane.
Lumiko si Jamilla sa kaliwa upang maiwasan ang banggaan ngunit sa halip nabangga nito ang arko. Namatay siya habang nilalapatan ng lunas sa Uson General Hospital.
Sugatan naman sina Police Patrolman Jann Erwin Velarde, Patrolman Rustom Pacilona, at inmate na si Ivan Garcia.
Dinala sila sa isang ospital sa Santa Cruz, Laguna.