MANILA, Philippines – Tiniyak ng China sa Pilipinas na ipagpapatuloy nito ang pag-export ng fertilizer sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel noong Miyerkules.
Sinabi ni Tiu-Laurel na itinanggi ni Chinese Ambassador Jing Quan ang mga ulat na posibleng ihinto ng Beijing ang pagbebenta ng fertilizer sa Pilipinas dahil sa krisis sa langis dulot ng tunggalian ng US-Israel at Iran.
“Kinonfirm naman ng Chinese ambassador na hindi totoo yun, na hindi nila iipitin yung fertilizer, which is good news,” ani Tiu-Laurel. “It is not a matter of supply, it is a matter of price na lang.”
Ayon sa DA, 84 porsiyento na ng pangangailangan ng bansa sa fertilizer para sa taong ito ang nakuha, at may sapat pang stock hanggang Mayo. Gayunpaman, inaasahan ang posibleng pagkaantala ng mga deliveries.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa iba pang mga bansang gumagawa ng fertilizer gaya ng India, Russia, at Belarus, at nagsusuri rin ng alternatibong teknolohiya tulad ng liquid fertilizers at nanotech. Magpapadala rin ang DA ng study mission sa China para pag-aralan ang alternatibong paraan sa paggamit at produksyon ng fertilizer.
Doble na ang presyo ng fertilizer sa $800 kada tonelada mula $400 bago ang air strikes sa Middle East na nagpahinto sa daloy sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang 20 porsiyento ng pandaigdigang supply ng langis. RNT/MND