MANILA, Philippines – Isa-isang sinagot ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga alegasyong ipinukol ni Vice-President Sara Duterte laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Subalit, nilinaw ni Castro na hindi niya ipinagtatanggol si Romualdez kung saan bumabase lamang siya sa naging salaysay ng huli.
Hiningan kasi ng komento si Castro sa sinabi ni VP Sara na makailang ulit na kinuwestiyon niya ang naging pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na piliin si Romualdez bilang Speaker ng House of Representatives sa kabila ng ipinalabas na ruling ng Delaware court.
“Sinabi niya (VP Sara) po na bakit pinili ng Pangulong Marcos si Rep. Martin Romualdez bilang Speaker of the House. Huwag niya pong kalimutan na mayroon pong separation of powers, wala pong kinalaman o wala pong maaaring responsibilidad sa pagpili noon kay Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker so huwag niya pong kakalimutan iyon,” anito.
Giit ni Castro, si VP Sara ay isang abogado kaya’t dapat lamang na malaman niya kung ano ba ang pagkakaiba ng “nabanggit sa nahatulan”
“Hindi po natin ipinagtatanggol dito ang former House Speaker or Representative Romualdez pero babase lamang po tayo sa kaniyang naging salaysay,” ang binigyang diin ni Castro.
“Unang-una, sinabi niya rin po, “Oo, sapagkat ito ay tugma sa mga nababalita na noong pagtanggap niya ng suhol.” Ang sabi niya po sa salita napabalita, so ibig sabihin nabanggit lang pero walang naging desisyon ang korte tungkol sa diumanong suhol,” aniya pa rin.
Sa ulat, mariing pinabulaanan ni Romualdez ang alegasyon ni VP Sara na sangkot ito sa illegal gambling.
“Naririnig ko ang mga akusasyon. Diretsahan kong sasabihin: hindi totoo na ako’y tumatanggap mula sa ilegal na sugal,” pahayag ni Romualdez.
Aniya, ang storya na mayroong mga “suitcases of cash” na ipinadala sa kanya ay malinaw na imbento na naglalayon lamang na siraan sya.
Binigyang diin pa ni Romualdez, “These stories about ‘suitcases of cash’ are pure fiction. Lahat guni-guni. Madaling magturo, madaling mag-imbento — pero ang katotohanan, hindi kayang patunayan. Until today, wala pa ring ipinakitang ebidensya — puro sabi-sabi lang na inuulit-ulit,” ani Romualdez.
Pinabulaanan din nito na sangkot sya sa Okada/Delaware dispute.
Ayon sa kanya, hindi umano siya kasali sa usapin, at hindi rin siya sa mga iniimbestigahan, at hindi rin siya akusado.
“Wala akong kinalaman sa kasong iyon, na away ng dalawang negosyo. Binabalik lang ngayon para siraan ako.”
“At iyong binabanggit niya pong decision sa Delaware court, muli, nakita po natin ito pero wala rin pong mention na si Speaker Romualdez or si Representative Romualdez ay guilty. Ang sabi lamang niya dito sa kaniyang pahayag, na-mention ng 17 times. So, siya po mismo, ang Bise Presidente ay nami-mention din sa mga diumano’y maanomalya na transaksiyon, dapat po ba natin siyang husgahan katulad ng ginagawa niya ngayon sa ibang mga mambabatas?.” ang sinabi naman ni Castro.
Sa kabilang dako, binweltahan pa ni Romualdez si VP Sara sa pagsasabing nagkakalat ito ng mga kasinungalingan gayong maging ito ay nahaharap sa ilang isyu.
“Nakakalungkot na ang mismong Bise Presidente, na inakusahan at na-impeached ng House dahil sa maling paggamit ng pondo, ay siya pang nagkakalat ng ganitong kasinungalingan. When the source itself has lost credibility, why should anyone believe these baseless claims?” (KRIS JOSE)