Home OPINION PAX SILICA: MAKABUBUTI BA TALAGA SA PILIPINAS?

PAX SILICA: MAKABUBUTI BA TALAGA SA PILIPINAS?

2
0

NOONG Abril 16, 2026, pormal na sumanib ang Pilipinas sa PAX SILICA, isang United States-led coalition na naglalayong palakasin ang pandaigdigang supply chain para sa semiconductors, artificial intelligence (AI), at critical minerals. Itatayo ang pangunahing industrial hub nito sa New Clark City, Tarlac, at inaasahang magsisimula ang initial deployment bago matapos ang 2028—panahon na may bagong administrasyon na ang mamamahala sa pagpapatuloy ng proyekto.

Ayon sa mga nagsusulong nito, magdadala ang PAX SILICA ng bilyon-bilyong pamumuhunan, makalilikha ng daan-daang libong de-kalidad na trabaho, at magtataas sa antas ng Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng teknolohiya. Kung maisasakatuparan nang maayos, maaari itong magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong inhinyero, IT professionals, researchers, at iba pang highly skilled workers.

Ngunit kasabay ng pag-asa ay ang mga tanong na hindi dapat isantabi. May pangamba na maaaring lumaki ang demand sa kuryente na magdudulot ng dagdag na pressure sa power grid at posibleng magpataas ng singil sa elektrisidad. Nariyan din ang usapin ng paggamit ng tubig, posibleng malawakang land conversion, at ang epekto nito sa kalikasan at sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng proyekto.

Mayroon ding geopolitical concerns. Dahil pinangungunahan ito ng Estados Unidos, hindi maiiwasang itanong kung paano maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas sa iba pang bansa, lalo na sa China.

Higit sa lahat, dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi lamang magiging tagasuplay ng hilaw na materyales ang Pilipinas, kundi magiging bahagi rin ng pagbuo ng sariling teknolohiya, inobasyon, at mataas na antas ng industriya.

Tulad ng mensahe ng awiting “Masdan Mo ang Kapaligiran” ng grupong Asin, “Hindi naman masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan.” Ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa dami ng pamumuhunan o trabaho, kundi sa kakayahan nitong pangalagaan ang kalikasan, igalang ang mga komunidad, at mag-iwan ng mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Mabubuhay tayo nang wala yan PAX SILICA pero mabubuhay kaya tayo o ang mga darating na henerasyon kung wasak na ang kalikasan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here