MANILA, Philippines – Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga patakaran sa sahod para sa Pebrero 17, 2026, isang espesyal na non-working day dahil sa paggunita ng Chinese New Year.
Ayon sa Labor Advisory No. 1, series of 2026 na nilagdaan noong Pebrero 6 ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga empleyadong magtatrabaho sa Pebrero 17, Martes, ay dapat bayaran ng sumusunod:
Kung hindi magtatrabaho ang empleyado, ipapatupad ang prinsipyong “no work, no pay” maliban kung may polisiya, praktis, o collective bargaining agreement (CBA) sa kompanya na nagbibigay ng bayad sa espesyal na araw.
Para sa trabaho sa espesyal na araw, babayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng basic wage sa unang walong oras ng trabaho (basic wage x 130%).
Para sa trabaho na lampas sa walong oras, babayaran ng karagdagang 30% ng hourly rate sa araw na iyon (hourly rate x 130% x 130% x bilang ng oras ng trabaho).
Kung ang trabaho sa espesyal na araw ay natapat sa rest day ng empleyado, babayaran ang karagdagang 50% ng basic wage sa unang walong oras (basic wage x 150%).
Para sa trabaho na lampas sa walong oras sa espesyal na araw na natapat sa rest day, babayaran ng karagdagang 30% ng hourly rate (hourly rate x 150% x 130% x bilang ng oras ng trabaho).
Samantala, ang Pebrero 25, Miyerkules, ay itinuring na ordinary working day sa paggunita ng EDSA People Power Revolution Anniversary.
Kung hindi magtatrabaho ang empleyado, ipapatupad ang “no work, no pay” maliban kung may polisiya, praktis, o CBA na nagbibigay ng bayad sa araw na ito.
Para sa trabaho sa ordinaryong working day, babayaran ang 100% ng sahod ng empleyado sa unang walong oras (basic wage x 100%).
Para sa trabaho na lampas sa walong oras, babayaran ang karagdagang 25% ng hourly rate (hourly rate x 125%).
Noong Setyembre, inilabas ng Malacañang ang listahan ng regular holidays at special non-working days para sa 2026 sa pamamagitan ng Proclamation 1006. Jocelyn Tabangcura-Domenden