MANILA, Philippines – Wanted sa pulisya ang PBA player na si John Amores dahil sa kasong frustrated murder matapos umanong barilin nito ang isa pang basketball player na nakaaway niya sa Lumban, Laguna.
Base sa imbestigasyon na naglalaro ng basketball si Amores at ang biktima na kinilalang si Lee Cacalda sa Barangay Salac.
Dito sila nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa paglalaro. Niyaya ni Amores makipagsuntukan ang biktima sa ibang lugar.
Sinundan naman umano ng biktima ang suspek sa Barangay Maytalang Uno.
Nang magkatapat ang kanilang mga motorsiklo sa isang kalsada ay doon na sila parehong bumaba at doon na rin nangyari ang umano’y pamamaril ni Amores gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.
Mabilis na tumakas ang suspek patungo sa bayan ng Pagsanjan habang maswerteng hindi naman natamaan ang biktima. RNT