MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, Setyembre 7, ang mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa na tularan ang sistema ng Marikina City sa solid waste management, na tinawag niyang isang “magandang halimbawa” at “template” na maaaring makakatulong para bawasan ang pagbaha.
Ayon kay Pangulong Marcos, ipinakita ng karanasan ng Marikina na hindi sapat ang paglilinis at pangongolekta lamang ng basura upang mabawasan ang pagbaha.
Sa isinagawang inspeksyon sa Marikina River Linear Park at Centralized Materials Recovery Facility (MRF) sa Barangay Sto. Niño, sinabi ng Pangulo na kailangan ang komprehensibong sistema na nagsisimula sa maayos na pagse-segregate, pangongolekta ng basura hanggang sa recycling at recovery.
“Hindi lamang pupunta sa ilog tapos magde-desiltation o mangongolekta ng basura, pero dito sa Marikina, over the last four, 10 years, 11 years, nagawan nila, nalagyan nila ng sistema.
Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular economy,” pahayag ng Pangulo.
Binanggit pa ng Pangulo na nilinis ng Marikina ang mga no-build zone sa kahabaan ng ilog, inilikas ang mga istrukturang nasa restricted areas at naglagay ng mga trash catcher upang mapigilan ang pagpasok ng basura sa ilog.
Ayon sa Pangulo, nakatutulong din ang MRF sa flood mitigation dahil nababawi at napoproseso nito ang mga materyales na kung hindi ay maaaring mapunta sa mga daluyan ng tubig at drainage system.
Pinoproseso sa narurang pasilidad ang biodegradable waste upang gawing compost, habang ang mga plastik ay ginagawang mga bag, brick at iba pang kapaki-pakinabang na produkto, kabilang ang mga bahagi ng school desks.
Inilarawan ng Pangulo ang inisyatiba bilang praktikal na paraan ng circular economy kung saan binabawi, nire-recycle at muling ginagamit ang mga materyales sa halip na basta itapon na syang bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Sinabi ni Pangulong Marcos na dapat magsilbing modelo sa iba pang local government units (LGUs) lalo na sa mga lungsod na matindi ang problema sa pagbaha.
“At ito ay dapat na maging template at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” ayon sa Pangulo.
Pinuri rin ng Pangulo ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pagtatatag ng sistemang nag-uugnay sa paglilinis ng ilog, pangongolekta ng basura, recycling at waste recovery.
“At, it is not only the flood management, it is not only part of flood management, but it is also in terms of the environment na malaki ang naitutulong,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na nakita ang resulta ng sistema sa karanasan ng lungsod sa mga nagdaang bagyo, kung saan hindi malala ang baha kung ikukumpara sa mga nakaraang kalamidad, partikular nang manasala ang Bagyong Ondoy.
Sinuportahan din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sistema sa pamamagitan ng paglalagay ng mga floating trash trap sa mahahalagang tributary upang saluhin ang basura bago ito makarating sa ilog.
Noong Hulyo 2026, nasa 47 estero ranger sa 12 barangay ang idineploy ng DENR at Marikina local government upang magpanatili ng mga trash trap at magsagawa ng mga operasyon sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig.
Ang MRF sa Barangay Sto. Niño ay may sorting bins, composting bioreactors, upcycling facilities at biohazard storage at kayang magproseso ng hanggang 200 tonelada ng dry waste kada araw.
Ang food at kitchen waste ay pinoproseso upang gawing organic fertilizer, habang ang Styrofoam, plastic bags at used cooking oil ay ginagawang paving blocks, paso at sako.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang maayos na pamamahala ng basura ay hindi lamang hakbang para sa flood control kundi mahalagang environmental intervention din habang hinaharap ng bansa ang mga epekto ng climate change.
Kasama naman ni Pangulong Marcos sa inspeksyon sina Acting DENR Secretary Juan Miguel T. Cuna, Acting DPWH Secretary Vivencio B. Dizon, 1st District Representative Marcelino R. Teodoro at Marikina City Mayor Marjorie Ann A. Teodoro. (KRIS JOSE)