Home HOME BANNER STORY PBBM hinimok ni Hontiveros ideklarang persona non grata si Ambassador Jing

PBBM hinimok ni Hontiveros ideklarang persona non grata si Ambassador Jing

1
0

MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihimok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan o kaya hilingin sa gobyerno ng China na bawiin ito sa Pilipinas, matapos ang sunud-sunod na kontrobersyal na pahayag at kilos ng embahada ng China.

Nakasaad sa resolusyon na noong Oktubre 15, 2026 sa Diliman Dialogues sa Quezon City, nang tanungin si Ambassador Jing kaugnay sa pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tinawag ang China na regional troublemaker, sinabi ng ambassador na kung gugustuhin ng China na gumamit ng dahas ay madali silang mananalo, pero hindi nila ito gagawin.

Aniya, dapat ay ikatuwa pa ng Pilipinas na kapitbahay nito ang China dahil mapagmahal ito sa kapayapaan.

Tinawag ng Department of Foreign Affairs ang pahayag na tila may  pagbabanta sa paggamit ng dahas, habang sinabi mismo ni Pangulong Marcos Jr. na tunog banta ito at ipapatawag niya si Ambassador Jing sa Malacañang.

Mariing tinutulan ni Secretary Teodoro ang depensang nagkamali lamang sa pagsasalita ang ambassador at sinabing tinatakot tayo ng China.

Noong Oktubre 17, 2026, sinagot pa ng Chinese Embassy ang mga senador at kongresista na nagpanukalang ideklarang persona non grata si Jing sa pamamagitan ng paghamon na just do it, otherwise, stop bluffing, at inakusahan ang mga mamamahayag at pulitikong Pilipino ng pagmamalabis, pagkuha ng pahayag out of context at paggawa ng hype.

Nagprotesta ang Defense Press Corps laban sa pahayag ng embahada.

Nakasaad din sa resolusyon na dati nang idineklara ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa Palawan na persona non grata si Ambassador Jing matapos banatan ng Chinese Embassy sa pangalan sina Commodore Jay Tarriela, Sen. Hontiveros at Rep. Leila de Lima, at bilang ganti ay pinagbawalan ng China ang 16 na opisyal ng bayan na pumasok sa China, Hong Kong at Macao.

Nagbabala pa ang embahada na mas marami pang opisyal ng Pilipinas ang pagbabawalan sakaling ideklarang persona non grata ang ambassador.

Iginiit ni Hontiveros na taliwas sa sinasabing pagpigil ng China ang aktwal na kilos nito sa West Philippine Sea.

Na-monitor ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pagdami ng mga barko ng Chinese Navy at Coast Guard sa apat na bahagi ng West Philippine Sea isang buwan bago ang pahayag ni Jing.

Nitong nakaraang taon, lalo pang tumindi ang pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas kabilang ang pananakit ng Chinese Coast Guard sa isang sundalong Pilipino sa pamamagitan ng pagpalo ng batuta sa ulo at paninira ng Navy boat sa Ayungin Shoal, paggamit ng water cannon laban sa mga barko ng pangisdaan sa Bajo de Masinloc, pagbangga ng Chinese Coast Guard vessel sa BRP Datu Magat Salamat habang naghahatid ng gasolina sa mga mangingisdang Pilipino, at mapanganib na paglapit ng Chinese J-16 fighter jet sa C-208 patrol aircraft ng Philippine Air Force sa Bajo de Masinloc.

Kamakailan din ay hinarang ng China Coast Guard ang paglikas ng isang maysakit na sundalo mula sa BRP Sierra Madre gamit ang water cannon na nagpaantala ng mahigit walong oras sa paglilipat.

Sa mismong araw ng pahayag ni Jing noong Oktubre 15, isang Chinese fishing vessel ang dumaong sa teritoryal na karagatan ng Lawak Island at nagpakawala ng apat na bangka na nangisda nang walang pahintulot ng gobyerno ng Pilipinas, na labag sa Fisheries Code at Maritime Zones Act.

Patuloy aniya ito sa pattern ng iligal na pangingisda na tinukoy na sa 2016 Arbitral Award kung saan napatunayang nilabag ng China ang sovereign rights ng Pilipinas.

Binanggit din sa resolusyon ang insidente noong Hulyo 10, 2026, ilang buwan matapos batikusin ng China si Commodore Tarriela dahil sa pagpapakita ng caricature ni Chinese President Xi Jinping sa isang college lecture, naglabas ang China Daily na pag-aari ng Publicity Department ng Chinese Communist Party ng video na may pagkarakista na naglalarawan sa isang unggoy na nakabarong na sumusunod sa utos ng Amerika at Japan bago binomba ng water cannon.

Naghain ng protesta ang DFA at inihayag ang isyu kay Chinese Foreign Minister Wang Yi ngunit sinabi lamang ng Beijing na hindi ito opisyal na pananaw ng gobyerno at walang inihandog na paumanhin.

Sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations na nilagdaan ng Pilipinas at China, maaaring ipaalam ng receiving state sa sending state anumang oras nang hindi kinakailangang ipaliwanag na persona non grata ang head of mission at obligadong bawiin ito.

Bagama’t sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na sa ngayon ay ayaw pa ng Pangulo na ideklarang persona non grata si Ambassador Jing, sinabi naman ng DFA na nananatili ang karapatan ng Pilipinas na magsagawa ng karagdagang diplomatikong aksyon kung kinakailangan.

Inihayag din sa resolusyon na kinikilala ng Senado ang primacy ng Pangulo sa pagpapatakbo ng foreign affairs ngunit nais nitong ipahayag ang pagtutol sa hindi diplomatikong asal ng isang dayuhang sugo.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here