MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na walang puwang ang iresponsableng pagmimina sa bansa.
Ito ang bahagi ng talumpati ng Pangulo sa pagbubukas ng Mining Philippines 2025 International Conference and Exhibition.
Sinabi ng Pangulo, mahigpit na ipatutupad ang umiiral na batas laban sa iresponsableng pagmimina na aniyay sumisira sa mga kagubatan, lumalason sa mga ilog at naglalagay sa peligro ng maraming buhay.
Pagbibigay diin ng Punong Ehekutibo, dapat magpatatag ng mga komunidad ang pagmimina at hindi dapat na magpahirap sa kanila.
Bawat operasyon dagdag ng Chief Executive ay dapat na naayon sa environmental commitments gaya ng itinatakda ng Paris Agreement at isinasaad sa Philippine Energy Plan.
Dapat aniyang pagyamanin ang kinabukasan nang hindi inilalagay sa panganib ang mundong ating ginagalawan. (KRIS JOSE)