MANILA, Philippines – Hindi masigasig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng apela ng ilang opposition lawmakers na gawin na ito ng bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi nagbabago ang posisyon ng Pangulo pagdating sa pagbabalik sa international tribunal.
“Hindi nagbabago yung stance ng Pangulo. Hindi pa rin po tayo ngayon magrerejoin sa ICC,” ayon kay Castro.
At nang hingan ng dahilan ukol dito, ang sagot ni Castro ay, “’Yan lang ang binitawan sa akin na salita ng Pangulo.”
Matatandaang taong 2019 nang opisyal na kumalas ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ni United Nations spokesperson Erik Kaneko na ipinaalam ng Secretary-General na epektibo na ang pag-alis ng bansa sa ICC.
Bagaman kumalas sa ICC, tuloy pa rin umano ang imbestigasyon nito sa giyera kontra droga ng Pilipinas.
Noong February 2018 ay isinulong ni ICC prosecutor Fatou Bensouda ang preliminary investigation sa umano’y ‘crimes against humanity’ ng drug war ng administrasyon.
Ito ang dahilan ng pagkalas ng Pilipinas sa Hague-based tribunal at ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, kahit kailan ay hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC.
Ang Pilipinas ang ikalawang bansa na kumalas sa ICC matapos ang Burundi noong October 2017. (Kris Jose)