Home METRO PBBM mamamahagi ng 13,527 CoCRoM sa Rehiyon 12; P939 milyong utang ng...

PBBM mamamahagi ng 13,527 CoCRoM sa Rehiyon 12; P939 milyong utang ng mga magsasaka buburahin

211
0

MANILA, Philippines- Upang mapagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka, nakatakdang mamahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 13,527 Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoM) sa mahigit ₱ 939 milyong utang ng mga magsasaka sa rehiyon ng Soccsksargen sa Huwebes, Disyembre 5, 2024, sa Sarangani National Sports Center, sa Alabel, Sarangani.

Ayon DAR, ang mga sertipikong ito ay pakikinabangan ng 11,699 agrarian reform beneficiaries (ARBs), na may mahigit 21,000 ektaryang lupaing agrikultural mula sa mga lalawigan ng Sarangani, South Cotabato, North Cotabato at Sultan Kudarat.

Tinutupad ng CoCRoM ang mandato ng Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan ng Pangulo noong Hulyo 7, 2023, upang mawala ang lahat ng mga pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharges na natamo ng mga ARB mula sa lupang iginawad sa kanila sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, R.A. No. 6657, at R.A. No. 9700.

Kaugnay nito, sakop ng batas ang higit sa 1.7 milyong ektarya ng mga lupain sa repormang agraryo sa buong bansa, at humigit-kumulang 610,054 na magsasaka ang makikinabang dito, kung saan mapapatawad na ang P57.65 bilyon na utang pang-agraryo ng mga magsasaka.

Mula sa 13,527 CoCRoM, 2,828 sertipiko ay ipamamahagi sa 2,512 ARBs mula sa lalawigan ng Sarangani, na sumasakop sa 5,127.45 ektarya ng lupa at nagbubura sa may kabuuang ₱215,136,692 utang. Sa North Cotabato, 3,270 sertipiko ang ipamamahagi sa 2,906 ARBs na may 4,605.34 ektarya at nagpapatawad sa ₱159,129,874 utang.

Magkakaloob din ang Pangulo ng may 4,805 sertipiko sa 3,864 ARBs mula sa South Cotabato, na may 7,022.30 ektarya ng lupa na nagpapatawad sa ₱447,779,743 utang. Sa Sultan Kudarat, 2,624 sertipiko ang ipamamahagi sa 2,427 ARBs, na may 4,343.55 ektarya, at ₱117,059,026 ng pinatawad na utang.

Magkakaloob din si Marcos ng 1,251 titulo ng lupa sa 1,252 ARBs na may sakop na 2,174.52 ektarya sa Sarangani. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here