MANILA, Philippines – May tiwala pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Public Works Secretary Manuel Bonoan sa kabila ng mga anomalya sa flood control projects sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Malakanyang nitong Miyerkules, Agosto 27.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang tinukoy na hakbang si Marcos laban kay Bonoan sa kabila ng mga isyung ito.
“So, kung meron mang magiging aksyon patungkol kay Secretary Bonoan, hintayin lamang po natin. Pero as of the moment, nandiyan pa rin po ‘yung trust niya,” pahayag ni Castro nang tanungin kung patuloy bang pinagkakatiwalaan ni Marcos si Bonoan.
Tumugon din siya sa sinabi ni dating public works secretary Rogelio Singson na nakatanggap siya ng feelers mula sa Malakanyang tungkol sa posible niyang pagbabalik sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kapalit ni Bonoan.
“Sa ngayon po ay itatanong po natin at bibigyan ko po kayo ng detalye patungkol diyan,” sinabi pa ni Castro na tugon sa tanong patungkol sa pahayag ni Singson.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Nagsagawa rin ng serye ng inspeksyon ang Pangulo sa mga lugar na may isinusumbong na mga maanomalyang flood control projects. RNT/JGC