MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbibigay pugay sa mga bagong bayani ng bansa.
Sa katunayan, kinikilala ng Pangulo ang Bagong Bayani Awardee dahil sa kanilang kakayahan, karangalan, at kabutihang loob sa kabila ng pang-ii-ibang-bansa, nagawa kasing ipakita ng mga ito ang tunay na pagka-Pilipino.
“Naitaguyod ninyo – at ang ating – mga pamilya, at komunidad nang walang pag-aalinlangan.,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos sa isinagawang Bagong Bayani Awards 2025 sa Ceremonial Hall, Palasyo ng Malakanyang, araw ng Huwebes, Nobyembre 20.
“Ito ang diwang nais makamit ng aking ama, ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., nang itatag niya ang Bagong Bayani Awards sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 1320 noong 1983.,” aniya pa rin.
“So, ngayon, papunta ngayon tayo sa today. And we still see the immense value that migrant workers have brought to their families and to our country. I am proud of the achievements that you have made,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Kaya nga, binabati ng Pangulo ang lahat ng mga Bagong Bayani awardees ngayong taon.
Para sa Pangulo, ang mga ito ang pinakamagandang larawan ng kasipagan at galing ng Pilipino.
“Tuwing may kausap akong taga-ibang bansa, parating sinasabi sa akin, ang husay ng mga Pilipino na nandoon sa amin,” ang pagmamalaking pahayag ni Pangulong Marcos sabay sabing “Kaya, maraming salamat sa inyong lahat sa pagbibigay karangalan sa ating bansa. “
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng Pangulo na hindi biro ang manirahan sa ibang bansa, makisama sa ibang lahi, at mawalay sa pamilya, ngunit patuloy pa rin ang mga ito na mag-sakripisyo para sa kanilang mga minamahal sa buhay.
Kaya bilang suporta aniya, asahan ng mga ito na nandito lang ang pamahalaan para sa kanila.
“Through the Department of Migrant Workers, we shall continue to elevate protection, streamline services, and ensure that every OFW is treated as the hero that they are,” aniya pa rin.
Sa ngayon aniya ay ginagawa na ng gobyerno na digital ang ilang proseso ng pagtatrabaho sa ibang bansa tulad ng OFW Travel Pass sa eGovPH App at ang Online Employment Contract Verification System.
Ang Overseas Workers Welfare Administration naman aniya ay nakakapag-isyu na ng mahigit-kumulang na tatlong daang libong electronic card na nagbibigay sa mga migrant workers ng mas madaling access sa mga serbisyo benepisyo ng ating gobyerno.
Pinahahalagahan din aniya niya ang kalusugan sa pamamagitan ng OFW Hospital, ang OWWA Botika, at ang pinalakas na ng mga programang medikal para sa mga OFW.
Sa AKSYON Fund, ang mga OFW aniya na nasa kagipitan ay may maaasahang tulong na legal, medikal, pinansyal, at iba pa mula sa DMW Migrant Workers Offices at Regional Offices.
Bukod pa rito, may OFW Lounge na aniya sa NAIA para sa inyong komportableng paghihintay ng inyong flight.
Mahigpit din aniya ang pamahalaan sa pagprotekta sa mga OFWs sa pamamagitan na paglaban at pagpuksa sa human trafficking.
Sinusuportahan din ng DMW ang reintegrasyon ng mga returning OFWs sa pamamagitan ng start-up capital, financial literacy training, at livelihood support.
“Lahat ng ito ay upang masiguro na hindi masasayang ang inyong pinaghirapan at maging matagumpay ang inyong pag-uwi. Kaya naman po sa inyong pag-alis at sa inyong pagbalik, tandaan po ninyo na hindi kailanman kayo nag-iisa,” ayon kay Pangulo.
“Gagawin namin ang aming makakaya upang maprotektahan at masuportahan ang bawat Bagong Bayani,” aniya pa rin.
“Mga minamahal kong OFW, kayo po ay ang nagsisilbing lakas at liwanag ng ating Bagong Pilipinas,” ang pahayag ng Pangulo.
“Muli, congratulationssa inyong lahat – salahat ng ating mgaAwardee.
Ipagpatuloy po natin ang laban para sa mas magandang kinabukasan para sa ating mga kapwa, at sa ating mga kababayan, at lahat, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa. Mabuhay ang ating mga bagong bayani,” ang pagbati ng Pangulo. (KRIS JOSE)