MANILA, Philippines – NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng ilang petsa ngayong Setyembre bilang special non-working days sa iba’t ibang lokalidad sa lalawigan ng Biliran, Isabela, Iligan, Sorsogon, Masbate, Quezon, at Laguna.
Layon nito na pahintulutan ang mga residente na magpartisipa sa kani-kanilang lokal na pagdiriwang at paggunita sa mga aktibidad.
Sa Proclamation no. 1429, idinedeklara nito ang Setyembre 26, araw ng Sabado, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Naval, Lalawigan ng Biliran para ipagdiwang ang ika-166 Pueblo Day o Charter Day.
Ipinag-utos naman ng Proclamation No. 1430, ang Setyembre 28, araw ng Lunes, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Alicia, Lalawigan ng Isabela, para ipagdiwanga ng Founding Anniversary nito.
Sa kabilang dako, sa bisa ng Proclamation No. 1431, idinedeklara ang Setyembre 29, araw ng Martes, bilang isang special non-working day sa Lungsod ng Iligan para ipagdiwang ang Diyandi Festival.
Samantala, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1432, idineklara ang Setyembre 29, araw ng Martes, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Irosin, Lalawigan ng Sorsogon para ipagdiwang ang Paray Festival.
Sa ilalim naman ng Proclamation No. 1433 , idinedeklara ang Setyembre 30, araw ng Miyerkules, bilang special non-working day sa Lungsod ng Masbate, Lalawigan ng Masbate, para ipagdiwang ang ika- 26 na Cityhood Anniversary nito.
Sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 1435, idinedeklara ng Pangulo ang Setyembre 14, araw ng LUnes, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Sariaya, Lalawigan ng Quezon para ipagdiwang ang Kapistahan ng bayan nito.
Inilabas din ng Pangulo ng Proclamation No. 1436, idinedeklara ang Setyembre 12, araw ng Sabado, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Cavinti, Lalawigan ng Laguna para ipagdiwang ang Reconstitution Day nito.
“It is but fitting and proper that the people be given full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration,” ang mababasa sa proklamasyon.
Sa pahintulot ng Pangulo, tinintahan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto ang lahat ng proklamasyon nito lamang Setyembre 10, 2026. KRIS JOSE