CAGAYAN, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Sabado, ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at pamilya na apektado ng kamakailan lamang na kalamidad sa Gonzaga, Cagayan.
Kasama ni Pangulong Marcos, si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nag-turn over ng mga binhi, pataba at iba pang farm inputs mula sa Department of Agriculture (DA) para pumili ng mga benepisaryo.
Ang bawat isa sa 10 piniling recipients ay makatatanggap ng P7,000 halaga ng Rice Farmers Financial Assistance.
Namahagi rin si Pangulong Marcos ng food packs at P10,000 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kanyang naging talumpati sa Gonzaga People’s Gymnasium, sinabi ni Pangulong Marcos na ang ceremonial distribution ng tulong ay para muling pagtibayin ang commitment ng kanyang administrasyon na palakasin ang disaster response sa panahon ng kalamidad.
“Kaya naman kami nandito ay upang makatulong sa ating mga magsasaka na mag-recover dito sa mga nawala sa inyo na kinuha ng Typhoon Nando nitong nakaraang weekend,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Marami po tayong naging biktima at marami po tayong kailangang tulungan dahil po ito nga, wala po tayong magagawa dahil nagbabago ang panahon,” aniya pa rin.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng weather forecasting at pagreporma ng agricultural practices para maayos na makatugon sa mga hamon na dala ng climate change.
“Kailangan natin kilalanin at maunawaan kung ano ba ang kailangang gawin para sa sistema ng ating weather prediction ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), lahat iyan para mas maging maganda ang ating response,” aniya pa rin.
Samantala, tumama ang tropical cyclone Nando sa ilang lugar sa Northern Luzon sa nakalipas na weekend, nakasira ng mga pananim at kabuhayan, partikular na sa agricultural communities gaya ng Cagayan. (KRIS JOSE)