MANILA, Philippines – NAGPAABOT nang pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa De La Salle University matapos masungkit ang UAAP Season 88 men’s basketball championship.
Sa isang social media post, inilarawan ng Pangulo ang finals series sa pagitan ng Green Archers at Fighting Maroons bilang “great.”
“Congratulations to the UAAP basketball champions, the De La Salle Green Archers! A well-deserved championship for a great team,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa ulat, inagaw ng De La Salle University ang korona sa University of the Philippines matapos itarak ang 80-72 panalo sa do-or-die Game 3 ng UAAP Season 88 collegiate men’s basketball Finals trilogy na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Inakbayan ni Vhoris Marasigan ang La Salle nang magsalpak ng clutch baskets para maibalik ang titulo sa kanilang bakuran matapos itong hablutin ng UP noong nakaraang taon.
Dahil sa panalo, nasungkit ng Taft-based squad ang pang 11th UAAP crown, pangalawa ang DLSU na fourth seed team sa final four ang nag- kampeon.
Dumaan sa butas ng karayom ang La Salle, kinailangan nilang manalo ng dalawang beses sa top seed National University para makapasok sa finals.
Nakopo ng La Salle ang Game 1, 74-70, bago naitabla ng UP ang serye nang ilista ang 66-63 panalo sa Game 2.
Natapos ang trilogy-deciding game, at mamamaalam na sa UAAP games sina Mike Phillips at Bright Nwankwo ng DLSU at Harold Alarcon, Terrence Fortea, Gerry Abadiano, Reyland Torres, at Janjan Felicilda ng UP, napasaya nila ang 24,339 fans na nanood ng live sa Big Dome.
Nagpakitang gilas si Phillips matapos ang malamyang laro sa Games 1 at 2, iiwanan niya ang koponan na nakapag-ambag ng dalawang kampeonato.
Pinamunuan ni Phillips ang opensa para sa La Salle sa tinikadang 25 points, 18 rebounds at isang block habang bumakas si Mason Amos ng 11 markers, apat na assists at tig-tatlong boards at blocks.
Nakahinga ng maluwag si Marasigan dahil sa mga importanteng sinalpak nito sa bandang dulo ng laban, nakabawi ito mula sa mintis nitong game-winning three sana nito sa Game Two. Kris Jose