Home HOME BANNER STORY PBBM nagulat sa ‘gentleman’s agreement’ ng Pilipinas at China

PBBM nagulat sa ‘gentleman’s agreement’ ng Pilipinas at China

MANILA, Philippines – LABIS na ikinagulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinasabing gentleman’s agreement na pinasok ng dating administrasyon sa Chinese government hinggil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

“Ang sinasabi sa agreement na ‘yan ay kinakailangan tayong magpermiso sa ibang bansa para gumalaw sa ating sariling teritoryo. Mahirap siguro sundan ‘yang ganyang klaseng agreement,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam.

“I am horrified by the idea that we have compromised into a secret agreement the territory, the sovereign rights of the Filipino,” dagdag na wika nito.

Sa ngayon aniya ay hinihintay niya ang pagbabalik sa Pilipinas ni Chinese Ambassador Huang Xilian at magbigay paliwanag sa naturang kasunduan.

“Ipaliwanag niya… sino ba kausap mo? Ano napag-usapan ninyo?,” ayon kay Pangulong Marcos.

Inamin ng Chief Executive na walang ideya ang kanyang administrasyon ukol sa kasunduan, at siya at ang kanyang mga opisyal ay hindi nabigyan ng briefing ukol dito.

“It turns out it’s a secret agreement, we don’t know anything about it, there is no documentation, no record, there is no… we were not briefed, when I came into office, wala pong nagsabi sa amin na may ganoong usapan,” paliwanag ng Pangulo.

Tinuran pa ni Pangulong Marcos na iba-iba ang mga sagot na kanyang nakuha mula sa mga opisyal ng nakalipas na administrasyon hinggil sa sinasabing kasunduan.

Samantala, tila ibinuking naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may kaugnayan ang “gentleman’s agreement” ng dating Pangulo at ni Pangulong Xi Jinping ng China, tungkol sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang ipinakikitang ang aksyon ngayon ng China sa West Philippine Sea.

Paglilinaw ni Roque, hindi sikreto ang naturang kasunduan dahil isinapubliko umano ito ng noo’y Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, na senador ngayon.

Sa kasunduan, sinabi ni Roque na tanging mga pagkain at tubig lang ang dadalhin ng Pilipinas sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, at walang materyales na kasama para kumpunihin ang lumang barko. Kris Jose