Home NATIONWIDE PBBM nakiisa sa Eid’l Adha

PBBM nakiisa sa Eid’l Adha

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino na mabuhay nang may karunungan at katapangan sa gitna ng mga hamon.

Hinikayat din niya ang mga ito makiisa sa mga Muslim Filipino sa pagdiriwang ng Eid’I Adha o Feast of Sacrifice.

Sa mensahe ni Pangulong Marcos para sa pagdiriwang ng Eid’I Adha, sinabi ng Chief Executive na ang mataimtim na okasyon ay nag-aalok sa bansa ng isang kakaibang oportunidad para pagnilay-nilayan ang buhay at ang kwento ni Ibrahim kung saan ang matatag na pananampalataya at “unconditional love” para kay Allah ang naging sentro ng kahalagahan at kabanalan ng Islamic teaching.

Ginamit naman ng Pangulo ang naturang okasyon para paalalahanan ang mga Pilipino sa benepisyo at kapakinabangan sa pagsuko at ang “act of letting go” maging sa tao at bagay ay kanilang pinahahalagahan.

“As we understand the significance of this commemoration, we feel deep within ourselves that, in nurturing our relationship with others and the Almighty, we are strengthened by our past and fueled with lessons to face tomorrow with grit and resilience,” giit ni Marcos.

Kaya ang panalangin ng Pangulo para sa mga Pilipino, gawin kung ano kinakailangan upang maging matapang “even at the expense of  comfort and security in treading the noble yet arduous path of righteousness.”

“We will find a greater sense of purpose in uplifting the lives of others and enriching the facets that make our dreams and endeavors meaningful,” ang sinabi pa ng Pangulo.

Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at buhay ng panalangin, umaasa ang Pangulo na ang mga Pilipino ay magkakaroon ng kalinawan ng isip at mabuting puso para malampasan ang mga pagsubok na nagsisilbing hadlang para makamit nila ang tunay na kapayapaan.

Sa kabilang dako, hangad naman ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas na hindi lamang itaguyod ang kinabukasan at hinaharap ng mga Pilipino “but also recognizes that they are frail and helpless without the guidance of the One from whom all wisdom and knowledge flows.”

“Let us continue to radiate goodness to those around us, confident that—with the right intention and conduct—the true, the good, and the beautiful will prosper now and in the years to come,” wika pa niya.

Ang Eid al-Adha ay isang relihiyosong pagdiriwang sa Islam na ginugunita tuwing ika-10 ng Dhu al-Hijjah, ang ikalawang buwan sa Islamikong kalendaryo.

Ito ay nagpapahayag ng pasasalamat at pagsunod sa utos ng Diyos na ipinakita ni Abraham (Ibrahim) noong sinaunang panahon.

Ayon sa Koran, inutusan ni Allah si Abraham na ialay ang kanyang anak na lalaki, si Ismael, bilang pagsunod sa kanyang kalooban. Sa kabila ng hirap nito, sumunod si Abraham at siya ay handang maghandog ng kanyang anak. Ngunit bago niya ito magawa, ipinadala ni Allah ang isang tupa bilang kapalit ni Ismael, na nagpapakita ng kanyang pananampalataya at pagtitiwala kay Allah. Ang pangyayaring ito ay itinuturing na isang halimbawa ng pananampalataya, pagsunod, at pag-alay sa Islam.

Sa pagdiriwang ng Eid al-Adha, ang mga Muslim ay nag-aalay ng hayop na gaya ng tupa, baka, o kambing bilang simbolo ng kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Allah. Ang bahagi ng hayop ay iniuugnay sa tatlong bahagi: ang bahagi para sa pamilya, ang bahagi para sa mga kaibigan at kapamilya, at ang bahagi para sa mga mahihirap at nangangailangan.

Bukod sa pag-aalay ng hayop, ang mga Muslim ay nagdaraos din ng mga panalangin sa mga moske, nagbibigay ng donasyon sa mga nangangailangan, at nagtitipon kasama ang kanilang pamilya at komunidad upang ipagdiwang ang araw. Kris Jose