MANILA, Philippines – Nananatili ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabila ng impmasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na ang persons of interest sa di umano’y assasination plot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay mula sa aktibong uniformed personnel at security group ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat lamang na malaman kung sinu-sino ang tinutukoy na persons of interest na nasa security group ni VP Sara.
“Sa ngayon ay nandoon pa rin po ang tiwala ng Pangulo sa ating mga kasundaluhan. Kung mayroon mang mga magiging tiwalag sa kanilang mandato, dapat malaman kung sino ang mga ito para rin sa proteksyon ng Pangulo,” ani Castro.
“Again, inuulit po natin, iyong tiwala ng Pangulo ay nandoon pa rin po sa ating mga kasundaluhan. Iyong mga balak na tumiwalag para proteksyunan, ipaglaban ang interes ng isang tao laban sa batas, laban sa Konstitusyon, dapat pong malaman kung sinu-sino,” aniya pa rin.
Nauna rito, ibinunyag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ilan sa mga person of interest sa imbestigasyon ng umano’y planong pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay aktibong uniformed personnel, habang ang isa ay kabilang sa security group ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Matibag sa impeachment trial, kabilang ang mga ito sa mga taong posibleng konektado sa umano’y inupahang tao para patayin sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling mamatay si Duterte.
Dagdag pa niya wala pang 20 ang kanilang tinututukang person of interest at mayroon na silang mga pangalan.
Tinataya ni Matibag sa 6 hanggang 7 sa 10 ang posibilidad na matukoy ng NBI ang umano’y inupahang killer, at posibleng makilala ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Sinabi ni Castro na hindi siya sigurado kung ang impormasyon ay nakarating na sa Pangulo subalit sigurado siya na nakarating na ito sa kanyang security.
“Personally, on my part, hindi po … wala pong naibigay sa aking impormasyon kung ito ay naibigay na na impormasyon sa Pangulo. But definitely, naibigay ito sa security ng Pangulo,” aniya pa rin.
At nang tanungin kung kailangan na magsagawa ng loyalty checks sa AFP, sinabi ni Castro na walang dahilan at pangangailangan sa ngayon.
“Sa ngayon po kasi ay alam ng Pangulo kung sino ang mga kailangan mapagtiwalaan. Hindi po ngayon nagkakaroon ng loyalty check. Nasa security na po ‘yan at nasa pamumuno na po ‘yan ng kasundaluhan,” ang winika ni Castro. (KRIS JOSE)