Home NATIONWIDE PBBM nanawagan sa publiko: Magmungkahi ng polisiya sa paglutas ng maraming problema...

PBBM nanawagan sa publiko: Magmungkahi ng polisiya sa paglutas ng maraming problema sa Pinas

154
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pubiko na magmungkahi ng polisiya na makatutugon sa mga usapin sa bansa.

Aminado kasi ang Pangulo na maraming polisiya ang bansa na nananatiling ‘outdated’.

Ang panawagan ng Pangulo ay idinaan nito sa kanyang kamakailan lamang na vlog, ipinalabas araw ng Linggo, Pebrero 1, tinalakay ang mga popular na polisiya sa ibang bansa at umiiral na lokal na tuntunin.

“Ang mga polisiya ay kultura na isinusulat bilang batas,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang seven-minute long vlog.

“Ipaalam ninyo sa amin sa comment section kung may mga mungkahi kayong polisiya na makakatulong solusyonan ang marami nating problema. Aabangan namin ang mga suggestion ninyo,” aniya pa rin.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng Pangulo na maraming polisiya at sistema ang bansa na ‘outdated’ at hindi na nakatutulong pa sa mga ordinaryong mamamayan.

Kabilang aniya sa outdated policies ay ang paghingi ng ID para mag-apply ng ID, pagpuno ng sagot sa mga forms na nangangailangan na parehong impormasyon at nangangailangan ng physical appearance sa mga transaksyon na maaari namang digital.

Winika ng Pangulo na ang mga polisiyang gaya nito ay maaaring magdulot ng perwisyo sa mga tao.

“Dito sa ating bansa, marami pang polisiya ang kailangan natin baguhin at ribisahin. Nakikita natin sa balita at naririnig natin ang mga kababayan natin, ang kanilang mga reklamo,” ang sinabi ng Pangulo.

“Nakikita natin sa ating mga nakasanayang pamamaraan na pinaglumaan na ng panahon. Tila maliit na bagay pero laking perwisyo sa tao,” anito.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos na ang sistema ay dapat na nagbibigay ng kaginhawaan at hindi sakit ng ulo.

Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na naging matagumpay ang mga polisiya sa ibang bansa dahil sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan.

“Na bagamat hindi popular sa simula ang isang polisiya, kapag binigyan ng pagkakataon maimplementa nang tama, maganda naman ang resulta,” ang sinabi ng Pangulo.

Idinagdag pa nito na ang polisiya ay dapat na magdala sa bawat isa upang maging mas mabuting mamamayan.

Aniya, epektibo ang mga polisiya kapag ito ay malinaw, naipatutupad, at tunay na makagagaan sa buhay ng tao, mula disiplina at public health hanggang sa service delivery at pagaanin ang pagnenegosyo.

“Discipline-focused policies play a key role in shaping orderly and responsible societies,” ayon sa Pangulo na ang tinutukoy ay ang ibang bansa sabay sabing “innovative labor and health policies adopted by other countries to boost productivity, reduce burnout, and improve public health.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here