MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kaagad na kakanselahin ang pasaporte ni dating Cong. Zaldy Co sa oras na pormal na isampa ang criminal charges laban sa huli na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.
Tinanong kasi ang Pangulo sa press conerence na isinagawa sa Presidential Broadcast Studio, Kalayaan Hall, Palasyo ng Malakanyang, araw ng Huwebes, Nobyembre 13 kung ano ang gagawin ng gobyerno sa pasaporte ni Co, kakanselahin ba agad ito o puwersahang pabalikin ng Pilipinas si Co para maharap nito ang kasong isasampa laban sa kanya.
“I think that is best directed at lawyers because that is a legal answer. The legal answer is because hindi pa nasampahan ng kaso, therefore the request for cancellation of passport cannot yet be made,” ayon sa Pangulo.
“However, when the time comes, we will immediately cancel his passport,” dagdag na wika nito.
Tiniyak ng Pangulo na isinasapinal pa ng mga government lawyer ang mga kaso, at inaasahan niya na maghihimas na rehas ang mga responsable. (KRIS JOSE)