Home NATIONWIDE PBBM nangakong ‘di bibigyan ng special treatment si Quiboloy

PBBM nangakong ‘di bibigyan ng special treatment si Quiboloy

MANILA, Philippines- Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) para sa pagkakahuli kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Ang matagumpay na operasyon ay tinawag ng Pangulo bilang “police work at its best.”

Ikinuwento ng Pangulo ang kusang-loob na pagsuko ni Quiboloy sa mga awtoridad, Linggo ng gabi dahil sa patuloy na presyur mula sa mga law enforcers sa isinagawang police operation.

“I have to commend our PNP. This is police work at its best. This is what the PNP can do ‘pag led well at maganda ang ating pagkakaunawa at pag-cocoordinate sa iba’t ibang ahensya. But this is what policemen do, they go after [criminals] and enforce court orders,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Ang paliwanag pa ng Pangulo, ang presensya ng mga sundalo sa pag-uwi kay Quiboloy, sinasabing ang paggamit sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang karagdagang pwersa ay aktuwal na kahilingan ng kampo ni Quiboloy.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na masaya siya na tapos na ang paghahanap kay Quiboloy. Dahil dito, “wheels of justice can now take its course.”

Tiniyak naman ng Chief Executive na may “transparent at lawful due process” at walang special treatment na ibibigay kay Quiboloy.

“We now leave Mr. Quiboloy to the judiciary, to the judicial system. Walang masasagasaan sa kanyang mga karapatan …But again, no special treatment. Although he is a very prominent person, we will treat him like any other arrested person,” ang winika ni Pangulong Marcos.

“We will respect his rights and we will go through the process. The process will be transparent, everyone involved will be accountable. And we will demonstrate once again to the world that our judicial system in the Philippines is active, vibrant and working,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Sa ulat, nahanap na at nasa kamay na ng mga awtoridad si Pastor Apollo Quiboloy, ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos. Ito ay matapos ang dalawang linggong paghahanap kay Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ.

Ito ang kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kaugnay ng walang tigil na operasyon ng PNP sa 30 ektaryang compound ni Quiboloy sa Davao City.

Sa kanyang Facebook post, nakasaad ang “NAHULI NA PO SI QUIBOLOY” kung saan nagpakita rin ito ng larawan kasama ang legal counsel na si Atty. Israelito Torreon.

Ayon kay Abalos, ang pagkakaaresto kay Quiboloy ay indikasyon na tama ang ginawang proseso ng pag­hahanap ng mga pulis sa lugar sa pamumuno ni PRO 11 Director chief PBGen. Nicolas Torre.

Tumanggi naman si Torre na ibunyag ang detalye ng pag-aresto kay Quiboloy.

“I was informed by the secretary that Quiboloy has already surrendered. So nahuli na. Hindi ko alam ang details,” ani Torre.

Nasa 2,000 pulis ang ipinakalat sa lugar upang matunton si Quiboloy.

Nagsimula ang operasyon ng PNP sa KOJC compound noong Agosto 24 matapos na maglabas ng warrant of arrest ang Pasig City Regional Trial court bunsod ng kasong sexual abuse at qualified human trafficking.

Ayon naman kay Torre, hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga pulis na nagtulong-tulong mula Aparri hanggang Jolo upang madakip si Quiboloy.

Ginawa lamang nila ang kanilang trabaho kaya naniniwala siyang hindi sila magkaaway ni Torreon.

Samantala, hanggang ngayon ay walang request ang Estados Unidos para sa ekstradisyon ni Quiboloy bagama’t sinabi nito na kailangan munang matapos ang local judicial process.

“For the moment, hindi extradition ang tinitignan natin; ang tinitignan natin ang mga complaint, mga kaso na ipinila dito sa Pilipinas, at yun muna ang kailangan nyang harapin,” aniya pa rin. Kris Jose