Home NATIONWIDE PBBM: Pag-angat ng Pilipinas sa PISA, patunay sa galing at sipag ng...

PBBM: Pag-angat ng Pilipinas sa PISA, patunay sa galing at sipag ng mga Pilipino

3
0

MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang reporma sa sektor ng edukasyon matapos makapagtala ang Pilipinas ng pinakamalaking pag-angat sa Programme for International Student Assessment (PISA).

Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na ang resulta ng PISA 2025 ay isang magandang balita na nagpapakita ng pag-unlad ng mga mag-aaral na Pilipino sa pagbasa, matematika at agham at katunayan na nakakatulong ang patuloy na pamumuhunan at sama-samang pagsisikap upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.

“Ang Pilipinas ay isa sa pinakamagandang performance sa pagpapaganda ng educational sector. Ito’y kinuha sa mga score ng ating mga mag-aaral. Tumaas tayo sa lahat ng bagay, sa reading, sa mathematics, sa science,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Batay sa resulta ng PISA 2025 na inilabas ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), umangat ang Pilipinas sa tatlong pangunahing larangan kumpara sa 2022 assessment.

Umangat sa 373 ang mean score ng Pilipinas sa science, 371 sa mathematics at 367 sa reading, pagtaas ng 17 puntos sa science, 16 puntos sa mathematics at 20 puntos sa reading kumpara sa resulta noong 2022.

Ito rin ang pinakamataas na naitalang marka ng Pilipinas mula nang unang lumahok ang bansa sa PISA noong 2018.

Kapansin-pansin ang pag-unlad sa reading kung saan nakapagtala ang Pilipinas ng 20-puntong pagtaas mula noong 2022, dahilan upang mapabilang ang bansa sa mga pinakamabilis na umuunlad na education system sa reading literacy.

“Nakasulat dito, the Philippines is among the few education systems improving across all domains. The Philippines is considered one of the fastest improving educational systems globally with the strongest long-term improvement in reading amongst participating systems,” ani Pangulong Marcos.

Ipinakita rin sa pinakahuling resulta na tumaas ang bahagi ng mga 15-anyos na Pilipinong umabot sa baseline Level 2 proficiency sa 31 porsiyento sa reading, 24 porsiyento sa mathematics at 32 porsiyento sa science.

Mas mataas ang mga ito kumpara sa 24 porsiyento, 16 porsiyento at 23 porsiyento, ayon sa pagkakasunod, noong 2022, batay sa datos ng Department of Education (DepEd).

Binigyang-diin ng Pangulo na dapat magsilbing inspirasyon ang resulta ng PISA upang lalo pang paigtingin ng pamahalaan at buong education community ang mga isinasagawang reporma sa edukasyon.

“Iilan lang daw ang bansa na natamo ang ganoong klaseng improvement na kagaya ng nakikita natin sa ating educational system,” dagdag pa ng Pangulo.

Iniuugnay ng Pangulo ang pag-unlad sa pagsisikap ng mga mag-aaral at guro, kasabay ng pagkilala sa kahalagahan ng pagtutulungan ng mga estudyante, guro, magulang, komunidad at pamahalaan.

“Muli ay napapatunayan kung gaano kagagaling ang ating mga mag-aaral na sila ay masipag at seryoso sa kanilang pag-aaral at kung gaano kagaling magturo ang ating mga guro basta’t sila ay suportado ng tama hindi lamang ng gobyerno, kung hindi pati ang buong komunidad, ang mga magulang at lahat ng ating mga kababayan na tumutulong para pagandahin ang mga kinabukasan ng ating mga anak,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.

Para sa Pangulo, hindi dapat ituring na pangwakas na resulta ang PISA performance kundi indikasyon na nagsisimula nang magbunga ang mga reporma sa edukasyon.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang mapanatili ang momentum upang matiyak ang patuloy na pag-unlad at mabigyan ang mga mag-aaral na Pilipino ng mas magandang oportunidad at mas magandang pananaw sa hinaharap.

“At nakikita naman natin, kapag pinagkaisahan natin ang pagpapaganda ng buhay ng ating mga mag-aaral, ay talagang ramdam na ramdam ang napakagandang resulta. Kaya’t huwag po natin titigilan… sa ating administrasyon, hindi po natin titigilan na mas lalo pa natin didiinan ang ating seryosong pagtutugon,” pagtatapos ng Pangulo. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here