Home NATIONWIDE PBBM, pinuri mga Pilipinong nars sa kanilang husay, dedikasyon sa serbisyo

PBBM, pinuri mga Pilipinong nars sa kanilang husay, dedikasyon sa serbisyo

1
0

MANILA, Philippines – Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipinong nars sa kanilang husay, kasipagan, at dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Sa kanyang talumpati sa National Annual Convention 2026 ng Philippine Nurses Association, Inc. (PNA) sa Pasay City nitong Lunes, sinabi ni Pangulong Marcos na kinikilala at pinahahalagahan ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa ang mahusay na serbisyo ng mga nars na Pilipino.

“Sa tuwing nakikipagkita ako sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa, ang una nilang sinasabi sa amin, lumalapit sila sa akin at nagsasabing, ‘Labis kaming nagpapasalamat sa mga nars na nagbibigay nang mahusay na serbisyo sa aming mga mamamayan,” ang winika ni Pangulong Marcos.

“Iyan ang patunay kung gaano na kayo kahalaga, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo,” anito.

Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang pangalagaan ang kapakanan ng mga nars, pagandahin ang kanilang kondisyon sa trabaho, at bigyan sila ng mas maraming pagkakataong umunlad sa kanilang propesyon.

“Nararapat na kilalanin ang inyong mga ambag at patuloy tayong magsikap upang mapabuti ang kapakanan at mapaunlad ang propesyon ng mga nars,” ayon sa Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nakikipagtulungan ang pamahalaan sa Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mabawasan ang bilang ng mga pasyenteng inaalagaan ng bawat nars, mapunan ang mga bakanteng posisyon, at magbigay ng mas maraming pagkakataon sa pagsasanay.

Hinimok din ng Pangulo ang mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong kumpanya, paaralan, at mga komunidad na magtulungan upang palakasin ang sistemang pangkalusugan sa bansa.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga Pilipinong nars sa kanilang tapat na paglilingkod sa bayan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here