Home NATIONWIDE PBBM sa Kongreso: Lahat ng gustong dumalo sa SONA 2024, papasukin

PBBM sa Kongreso: Lahat ng gustong dumalo sa SONA 2024, papasukin

MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na i-accommodate ang lahat na nais na dumalo sa kanyang State of the Nation Address, araw ng Lunes, Hulyo 22.

Ito ang isiniwalat ni House Secretary General Reginald Velasco.

“I had a chit-chat with the president yesterday and I said there are a lot of people who would like to attend this SONA this July 22nd. And he said to me, ‘Accommodate all of them,’” ayon kay Velasco.

Sinabi pa ni Velasco na mahigit sa 2,000 indibidwal mula sa gobyerno, pribadong sektor at non-government organizations ang nagpahiwatig ng kanilang hangarin na dumalo sa SONA.

Ang seating capacity ng session hall ay 2,000, ayon kay Velasco.

Sinasabing, posibleng magdagdag ng upuan ang Kongreso sa session hall at buksan ang function rooms para ma-accommodate ang mga bisita.

Mahigit sa 2,000 na imbitasyon na ang naipadala ng Kongreso, kabilang na ang para kay Vice President Sara Duterte. Subalit hindi naman malinaw kung kinumpirma nito ang kanyang pagdalo.

Imbitado rin ang mga dating Pangulo, mga Bise-Presidente, mga Senate President at mga House Speaker.

Magpapalabas naman ang inter-agency committee ng seating plan para sa session hall.

Nagpapatuloy naman ang mga pagsasaayos at pagkukumpuni sa ilang lugar.

“This is an old building. That’s why we have decided to renovate the North [Wing], South [Wing], and that back lobby, back entrance,” ayon kay Velasco.

“We have decided to install air conditioning kasi nahihirapan ‘yung mga guests minsan. Pumipila. And then as you know, sa SONA, all the VIPs will be passing through North and South lobbies. Major complaint, napakainit,” ang pahayag ni Velasco.

Ila-lock down naman ang Kongreso simula Hulyo 19, araw ng Biyernes bago ang SONA, ‘for security reasons.’

Matatandaang, noong nakaraang buwan, sinabi ng National Capital Region Police Office na maaari silang mag-deploy ng mas maraming police personnel at ipatupad ang mas maayos na hakbang para matiyak ang seguridad sa panahon ng SONA. Kris Jose