
MAPAYAPANG natapos ang ‘National Rally for Peace’ ng Iglesia ni Cristo noong Lunes, kung saan tinatayang higit sa 1.5 milyon katao ang dumalo at nakiisa sa panawagan nitong Kapayapaan at Pambansang Pagkakaisa.
At ngayon, napakarami na namang komentaryo na kesyo ito raw ay ‘show of force’ ng INC upang ipakita ang kanilang “impluwensiya” at ang nangyari ay “pailalim” na pagkontra ng “Kapatiran” kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ganyan ang pananaw ng mga makikitid ang pag-iisip, mga arogante at mga manhid na sobra nang “nagumon” sa pagsusulong ng makasarili nilang interes.
Sa ganang atin, sa halip na nagpahina kay PBBM, lalo pa ngang tumibay ang kanyang liderato na mapangibabaw ang kanyang ‘political will’ sa isang Kongresong ayaw makiisa sa kanyang liderato at plataporma na sa pagkakaisa makababangon ang Pilipinas sa patuloy nitong lugmok na kalagayan.
Bakit kanyo? Hindi naman maikakaila na buong suporta ang ibinigay ng INC sa ‘tadem’ ni PBBM at VP Sara Duterte noong 2022 elections.
At ang nangyari noong Lunes ay muling pagpapakita ng INC ng kanilang suporta para sa isang maayos na pamumuno (good governance) na adhikain din ni PBBM.
Kumbaga, dapat tingnan sa punto de bista na mga ‘supporters’ ni PBBM ang nagsagawa ng rali noong Lunes upang patibayin pa ang kanyang posisyon kontra sa isang Kongreso na ayaw makiisa sa kanya, partikular na sa kanyang panawagan na tigilan na ang pagsusulong ng ‘impeachment’ laban kay VP Inday dahil nga may mas mabibigat na problema ang bansa na dapat pagtuunan ng pansin.
Kaya nga, dapat nang mag-isip ang mga ‘kontra-pelo’ kay PBBM at makipagtulungan na lang sa kanya dahil muling nakita sa nangyaring pagtitipon ang patuloy na malakas at malawak na pagsuporta sa kanya ng masang Pilipino.
Translation? Dapat sundin ng Kongreso at nang lahat ng Pinoy ang mensahe sa rali ng Iglesia.
Abangan!