Home NATIONWIDE PBBM, walang alam sa ‘leadership fund’ — Malakanyang

PBBM, walang alam sa ‘leadership fund’ — Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Walang alam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan na bawat senador na may committee chairmanship ay tumatanggap ng tinatawag na “DPWH leadership fund” na umaabot hanggang P1 bilyon, habang ang karaniwang alokasyon sa bawat senador ay P500 milyon.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kung alam ng Pangulo ang tungkol sa sinasabing pondo ay hindi niya ito kukunsintihin.

“Kung alam ng Pangulo, hindi mangyayari ‘yan,” ani Castro.

“Parang teacher. Kapag kayo’y nangopya, ipapalaam ninyo ba sa teacher ninyo? ‘Pag nahuli kayo ng teacher, anong gagawin ng teacher? Hindi ba bibigyan kayo ng penalty? So ‘yun na lang — kung alam ng Pangulo ‘yan, hindi niya ‘yan ito-tolerate at hindi ‘yan mangyayari,” dagdag na wika nito.

Maaari rin naman kasi aniya na ang pag-uusap para sa di umano’y kasunduan na ito ay ginawa ng pasekreto.

Maging si incumbent DPWH Secretary Vince Dizon ay wala aniyang ideya sa bagay na ito.

“Kung sa kanila po ito naganap at ito ay kanilang usapan, walang malalaman ang sinuman kung ito ay sariling usapan lang ni Secretary Bonoan at kung sinuman ang official,” ang tinuran ni Castro.

Sa ulat, ginawa ni Bonoan ang pahayag sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong malversation ni dating Senador Bong Revilla hinggil sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Aniya, ang leadership fund na may kabuuang P24 bilyon ay may pahintulot ng noo’y Senate President Juan Miguel Zubiri, na nagsilbi mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2024.

Sinabi ni Bonoan na ang DPWH leadership fund ay partikular na nakalaan para sa mga proyektong nirerekomenda ng mga senador.

Ayon sa kanya, ang noo’y DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang nakipag-ugnayan kina da­ting senador Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada upang magsumite ng listahan ng mga proyekto. Nagsumite din anya ng listahan sina Sens. Bong Go at Robin Padilla.

Dagdag pa ni Bonoan, personal siyang pinasalamatan nina Padilla at Imee Marcos sa pagtulong sa kanila kaugnay ng mga proyekto.

Sa kabilang dako, malabo namang magpatawag pa ng internal investigation ang Pangulo kaugnay sa tinatawag na “leadership fund” dahil ang kasong ito ay nasa kamay na ng Sandiganbayan.

Sinabi pa ni Castro, ang DPWH, sa ilalim ng liderato ni Dizon, ay walang ganoong pondo sa panukalang 2027 national budget.

“No leadership fund under the 2027 budget. All projects proposed in the 2027 DPWH budget are based on needs of the local and regional governments, and if needed, secured clearance from Regional Development Councils to ensure that these benefit the people,” ang winika pa ni Castro, tinukoy ang mensahe mula sa DPWH.

“Only projects that have complete documentary requirements such as plans and programs are submitted to ensure compliance with DBM guidelines,”aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here