Home NATIONWIDE PCG: Delikadong maniobra ng Tsina sanhi ng banggaan sa WPS

PCG: Delikadong maniobra ng Tsina sanhi ng banggaan sa WPS

MANILA, Philippines – Inakusahan ng Pilipinas nitong Lunes ang Chinese Coast Guard ng “labag sa batas at agresibong maniobra” sa West Philippine Sea (WPS), na nagresulta sa mga banggaan na nagdulot ng pinsala sa dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).

“Kaninang umaga, ang Philippine Coast Guard (PCG) vessels na BRP Bagacay (MRRV-4410) at BRP Cape Engaño (MRRV-4411) ay nakaranas ng labag sa batas at agresibong maniobra mula sa Chinese Coast Guard vessels habang papunta sa Patag at Lawak Islands sa West Philippine Sea,” sabi ng National Task Force for the West Philippines Sea (NTF-WPS) sa isang pahayag.

“Ang mga mapanganib na maniobra na ito ay nagresulta sa mga banggaan, na nagdulot ng pinsala sa istruktura sa parehong mga barko ng PCG.”

Nauna nang sinabi ni CCG spokesperson Gan Yu sa social media platform na Weibo na ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na BRP Bagacay at BRP Cape Engaño ay “sinadya” na bumangga sa isang barko ng CCG malapit sa Escoda Shoal.

“Sa kabila ng mga insidenteng ito, ang parehong PCG vessels ay nananatiling nakatuon at magpapatuloy sa kanilang misyon na maghatid ng mga mahahalagang suplay sa mga tauhan na nakatalaga sa Patag at Lawak Islands,” sabi pa ng NTF-WPS.

Kamakailan ay naghain ng pormal na protesta ang Chinese Foreign Ministry sa presensya ng barko ng Pilipinas na BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

Ang Escoda Shoal, na tinatawag ding Sabina Shoal, ay matatagpuan 75 nautical miles o humigit-kumulang 140 kilometro mula sa Palawan at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang BRP Teresa Magbanua ay naka-istasyon sa Escoda Shoal mula noong Abril sa gitna ng mga ulat ng mga aktibidad sa reclamation ng China sa lugar.

Hinimok ng NTF-WPS ang “pagpigil at pagsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang nauugnay na mga internasyonal na batas upang maiwasan ang higit pang paglala at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sasakyang pandagat na tumatakbo sa rehiyon.”

Sa kabila ng mga pag-uusap para sa de-escalation, nagpapatuloy ang tensyon sa WPS sa gitna ng malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea (SCS). RNT