MANILA, Philippines- Ilang linggo matapos lisanin ng BRP Teresa Magbanua, muling iginiit ng bansa ang presensya nito sa Escoda (Sabina) Shoal sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagpapadala ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar.
Sinabi ni SeaLight Director Ray Powell na nagpatrolya ang BRP Cape Engaño sa lugar mula Miyerkules at Huwebes, ngunit walang mga hamon mula sa China Coast Guard (CCG) at kanilang maritime militia.
Sa post sa X, sinabi ni Powell na ang 44-meter multi role response vessels (MRRV) ay nakakuha ng malakas na reaksyon mula sa kalapit na coast guard at maritime militia ships ng China.
Bago tumulak ng Escoda, nasundan ng MRRV ang isang flotilla ng mga barko ng China na naglayag malapit sa baybayin ng Palawan noong Martes.
Ang flotilla na ito ay binubuo ng isang research ship, dalawang malalaking CCG ships at 10 maritime militia vessels.
Noong Miyerkules, tumigil ang BRP Cape Engaño sa pagbuntot sa flotilla at tumungo sa Escoda Shoal.
Ang mga barko ng CCG mula sa kalapit na Mischief Reef, gayunman, ay naglayag sa direksyon ng shoal.
“By midnight they were in position to interdict an approach,” sabi ni Powell.
Mayroong hindi bababa sa apat na CCG at 15 militia na barko malapit sa Escoda upang ilayo ang BRP Cape Engaño.
Noong Huwebes, nagsimulang lumayo ang BRP Cape Engaño sa Escoda Shoal at pabalik na sa daungan sa Buliluyan Port sa Bataraza, Palawan. Jocelyn Tabangcura-Domenden