Larawan mula sa Facebook page ng K5 News FM Kalibo 94.5
MANILA, Philippines- Stranded ang mahigit 300 pasahero sa iba’t ibang pantalan sa Luzon nitong Huwebes ng umaga sa gitna ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng bagyong Carina at southwest Monsoon o Habagat, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).
Base sa abiso ng PCG, 354 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang na-monitor sa Southern Tagalog at Bicol Region ports mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Stranded din ang 12 vessels, limang motorbancas at 69 rolling cargoes habang pitong sasakyang-pandagat at 13 motorbancas ang nakasilong sa Southern Tagalog at Bicol Region dahil sa bagyong Carina.
Sa 354 pasahero, 158 ang stranded sa mga daungan ng Timog Katagalugan (San Jose, Tilik, San Andres, Romblon, Calatrava, Cajidiocan, at Real), habang 196 naman sa mga daungan ng Bicol (Pasacao, Aroroy, Masbate City, Mobo, San Jacinto, San Pascual, Cawayan, Bulan).
Sa pinakabagong ulat, nakalabas na si Bagyong Carina ng Philippine area of responsibility nitong Huwebes ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden