MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at barkong bumibiyahe sa rutang Batangas–Caticlan na maging mapagmatyag sa isang lalaking pinaniniwalaang nahulog mula sa barko.
Ang lalaki, na kinilalang “Tatay Danilo,” ay sakay ng isang roll-on roll-off (RoRo) vessel mula Batangas patungong Caticlan noong Disyembre 15. Napansin ng mga tauhan ng barko at kapwa pasahero na may isang pasaherong nawawala matapos bumaba ang mga sasakyan sa Caticlan, ayon sa PCG.
Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, wala pa ring malinaw na update kaya nakikipag-ugnayan na ang PCG sa mga lokal na pamahalaan sa Aklan at mga kalapit na lugar. Naglabas na rin ang PCG ng notice to mariners upang ipaalam sa lahat ng barkong dadaan sa lugar na magbantay.
Pinayuhan din ang mga mangingisda sa lugar na agad i-report sa PCG kung may makita silang anumang bagay o palatandaang maaaring may kinalaman kay Tatay Danilo.
Mas pinaigting na rin ng PCG ang kanilang search operations sa dagat at himpapawid sa Southern Tagalog at Western Visayas, kabilang ang mga lugar na posibleng inanod ang nawawala. Sa ngayon, wala pa ring magandang balita tungkol sa kanyang kalagayan.
Gayunpaman, nananatiling optimistiko ang PCG dahil sa mga nakaraang operasyon, karaniwang may resulta sa loob ng 4 hanggang 5 araw. Patuloy umano silang umaasa sa tulong ng mga barko, LGU, at mangingisda.
Samantala, pinaalalahanan din ng PCG ang mga bibiyahe sa dagat na dumating nang mas maaga sa mga pantalan dahil inaasahang mahaba ang pila at mahigpit ang seguridad. Pinayuhan din ang publiko na iwasan ang paglangoy at iba pang aktibidad sa tubig matapos uminom ng alak, dahil karamihan sa mga insidente ng pagkalunod ay may kinalaman sa pagkalasing. RNT/MND