MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa video post ni Cavite Congressman Kiko Barzaga na umano’y “sumisira sa integridad at propesyonalismo” ng PCG.
Ayon kay PCG West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay Tarriela, naglalaman ng mapanlinlang at nakakapinsalang pahayag na nagpapababa sa kredibilidad ng institusyon ang naturang video.
Pinalagan ni Tarriela ang mga sinabi ni Barzaga na ang operasyon ng PCG sa West Philippine Sea ay walang silbi at posibleng magdulot ng “World War III.”
Ayon sa opisyal, bahagi ng mandato ng PCG ang protektahan ang soberanya ng bansa, ang mga mangingisda, at ang ating karagatan — hindi ito provocation kundi tungkulin ng patriotismo.
Sinabi pa ni Tarriela na ang paratang ng mambabatas na korap ang PCG at dapat ipasara ay “irresponsable at insulto.”
Giit niya, malinaw sa batas na ang PCG ay isang civilian maritime organization at hindi military unit.
Nanindigan ang Coast Guard na mananatili silang tapat sa mandato, maglilingkod nang may integridad, at hindi papaapekto sa pulitika o disinformation. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)