Home NATIONWIDE PCO sinisilip lumikha ng interagency task force kontra ‘fake news’

PCO sinisilip lumikha ng interagency task force kontra ‘fake news’

MANILA, Philippines- Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na lilikha ito ng interagency task force para labanan ang ‘online misinformation at disinformation’ lalo na sa social media.

Sa katunayan, nakipag-ugnayan na si PCO Secretary Jay Ruiz sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at Department of Justice para bumuo ng balangkas upang mapilitan ang social media platforms na labanan ang disinformation.

“I hope this forum will be done on a regular basis so that we can work together. Kasi when you say you’re running different horses o iba-iba ang sagwan natin ay walang mangyayari,” ayon kay Ruiz sa “The War on Truth: A Consultative Forum,” itinaon sa paglulunsad ng Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) ng PNP at Camp Crame sa Quezon City.

Sinab ni Ruiz na ang fake news ay isang national security concern.

“Pero sa pagkaka-isa ng bawat ahensya ng gobyerno tungo sa paglaban sa fake news, sigurado po may mangyayari kasi this is the clear and present danger we have now to address,” ang sinabi ni Ruiz sabay sabing, “It is not the question of freedom of speech, ngayon po ay national security concern na po itong fake news.”

Aniya, mapipilitan ang social media platforms na alisin ang mga materyales na nagbibigay at nagpapakalat ng mali at malisyosong impormasyon.

Kabilang na rito ang paglikha ng regulatory body para sa social media, kahalintulad sa Movie and Television Review and Classification Board na pinangangasiwaan ng entertainment industry.

“Papaano kung ‘yung pinakalat mong information, nagdulot na ng matinding kasamaan sa lipunan? Hindi ba pwedeng tawagin na itong mga cyberterrorist ? It’s a perception game. So, we have to win that perception. We have to have that legal basis na, kapag sinabing fake ‘yan, agad susunod ‘yung mga platforms,” diing pahayag nito.

Para naman kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, mahalaga ang pagtutok sa mga digital na kasinungalingan.

“Hindi lang tayo nakaharap sa misinformation. Ngayon, may tatlong uri ng kasinu­ngalingan, malinformation, disinformation, at misinformation na may malalim na epekto sa ating bansa at hindi ito mga simpleng pagkakamali; ito ay mga hakbang na ginawa para linlangin at paghiwalayin tayo,” ani Marbil.

Pinagtibay ni Marbil ang pangako ng PNP na protektahan ang katotohanan hindi sa pamamagitan ng pagsupil sa kalayaan ng pagpapahayag, kundi sa pagprotekta nito laban sa maling impormasyon.

“Hindi natin pinipigilan ang kalayaan sa pagsasalita. Pinoprotektahan natin ito mula sa mga kasinungalingan,” dagdag pa nito.

Inihayag ni Marbil ang buong suporta sa JAFNAC na siyang tungkulin at hakbang upang protektahan ang demokrasya, tiwala ng publiko, at pambansang kapayapaan.

Nilinaw nito, ang inisyatiba ay hindi para labanan ang kalayaan sa pagpapahayag kundi ay para labanan ang maling impormasyon.

Nanawagan din ito sa lahat ng stakeholders na maging tagapagtanggol ng katotohanan at responsable sa komunikasyon.

Ang PNP ay patuloy na magsusulong ng katotohanan at responsableng paggamit ng digital na teknolohiya, alinsunod sa layunin ng Pangulo na magkaroon ng mas ligtas at mas maalam na bansa. Kris Jose