Home HOME BANNER STORY Persona non grata: NPA itinakwil ng Toboso, NegOcc

Persona non grata: NPA itinakwil ng Toboso, NegOcc

84
0

BACOLOD CITY — Nagkaisa ang municipal council ng Toboso sa Negros Occidental sa pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bilang persona non grata sa nasabing bayan sa hilagang bahagi ng Negros.

Nakasaad ito sa Resolution 077-2026 na inaprubahan sa regular session noong Martes, mahigit isang linggo matapos ang engkuwentro sa Barangay Salamanca sa pagitan ng mga pinaniniwalaang natitirang rebelde at tropa ng Philippine Army’s 79th Infantry Battalion, kung saan 19 na indibidwal na kinilalang miyembro ng NPA ang nasawi.

Ayon sa resolusyon, ang hakbang ay “expresses the strong condemnation of the local government against insurgency and affirms its support for peace-building initiatives and lawful governance,” at umaayon sa mga hakbang ng pambansang pamahalaan, kabilang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nakasaad din ang buong suporta ng munisipyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad.

Giit ng konseho, ang CPP-NPA-NDF ay “associated with acts of violence and armed insurgency,” na nagdulot ng pagkamatay, pagkasira ng ari-arian, at pagkaantala ng mga proyekto sa pag-unlad. Dagdag pa nito, layunin ng Toboso na protektahan ang mga residente laban sa anumang banta ng insurgency.

Ipapadala ang mga kopya ng resolusyon sa Office of the President, Department of the Interior and Local Government, pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental, AFP, PNP, at iba pang kaukulang ahensya.

Kasunod ng engkuwentro, iniulat din ng Philippine Army ang pagkakarekober ng 24 high-powered firearms kabilang ang M16 at M14 rifles, M1 Garand rifles, isang grenade launcher, mga pistola, revolver, at mga bahagi ng pampasabog. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here