Home NATIONWIDE Petisyon kontra sa PUV modernization binubusisi pa ng SC

Petisyon kontra sa PUV modernization binubusisi pa ng SC

MANILA, Philippines- Sumasailalim pa rin sa deliberasyon ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng transport groups na maharang ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting na masusi pa ring pinag-aaralan ng SC ang naturang kaso kahit natapos na ang April 30 deadline para bumuo ang mga PUV ng transportation cooperatives.

Ayon kay Ting, kasalukuyang nasa decision writing period ang mga mahistrado mula April 22 hanggang May 10.

Nilinaw din ni Ting na kahit napaso na ang deadline, hindi pa maituturing na walang saysay ang petisyon. 

Kabilang sa mga nagpetisyon para mapatigil ang modernization program ng pamahalaan ay ang grupong PISTON, Para-Advocates For Inclusive Transport, No to PUV Phaseout Coalition of Panay at ang grupong Komyut.

Hiniling ng petitioners sa SC na magpalabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction laban sa mga inilabas na Department Orders ng Department of Transportation.

Nito lamang Lunes, April 30, naghain muli ang mga transport group ng supplemental petition para igiit ang kanilang kahilingan na magpalabas ang SC ng TRO. Teresa Tavares