MANILA, Philippines — Itinanggi ng Philippine Army nitong Huwebes, Abril 23, ang mga ulat na may mga sibilyan umanong nasawi sa “encounter” sa Toboso, Negros Occidental, at iginiit na ang lahat ng namatay ay mga armadong nakikipaglaban.
Kinuwestiyon ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala ang presensya ng mga indibidwal na tinukoy sa mga ulat bilang mga journalist, social worker, faculty member, at spokesperson ng progresibong grupo sa lugar ng engkwentro.
“Ano ang ginagawa ng mga sinasabi nilang journalist, social workers, faculty members, spokesperson ng mga progresibong grupo sa loob ng encounter site na may mga bitbit na baril at nakikipagbarilan sa ating mga sundalo?” aniya sa panayam sa isang ulat. “Yan ang tanong ko sa kanila,” dagdag niya.
Una nang iniulat ng Philippine Army na 19 umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa serye ng engkwentro sa Barangay Salamanca.
Ayon kay Dema-ala, kumilos nang propesyonal at sumusunod sa International Humanitarian Law ang mga sundalo ng 79th Infantry Battalion (79IB).
“Troops of the 79IB showed steadfast commitment to their mission and dedication to duty. Their adherence to International Humanitarian Law and utmost respect for human rights stand as a testament to the professionalism and honor that define the Philippine Army soldier,” aniya sa hiwalay na pahayag.
“The [Armed Forces of the Philippines] did not hunt people — it responded to the community’s own call for protection,” dagdag pa niya.
Gayunman, itinanggi ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA ang ulat ng militar at iginiit na maliit na bilang lamang ng mga nasawi ang armadong rebelde habang ang iba ay mga sibilyan.
Ayon sa grupo, ilan sa mga nasawi ay “civilians documenting a peasant activity,” kabilang ang mga magsasaka, mamamahayag, at human rights advocates.
“Among the casualties were local and foreign journalists and human rights advocates who only carried notebooks, cameras, and the grievances of the poor — tools far more threatening to the status quo than any rifle,” ayon sa grupo.
Kinilala ng rebel group ang ilan sa mga nasawi na sina farmer Roel Sabillo, Bacolod-based journalist RJ Ledesma, at student leader Alyssa Alano ng UP Diliman University Student Council, na kabilang umano sa mga namatay batay sa pahayag nitong Miyerkules ng gabi. Mary Anne Sapico