MANILA, Philippines – Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i- “reset” ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina matapos ang kamakailan lamang na insidente sa Ayungin Shoal.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos na ipatawag ni Pangulong Marcos si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan sa Palasyo ng Malakanyang ang huli para pag-usapan ang nagpapatuloy na pagkabahala ng Maynila sa expansionist policy ng Beijing kung saan pinanghimasukan na ang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Nag-usap sila at ang nais na mangyari dito ng Pangulo ay hindi na maulit ang mga pangyayari at ma-reset sana ang relasyon ng China sa Pilipinas,” ang sinabi ni Castro.
“Kung ano man ang issue ng China at Pilipinas, gusto niya magkaroon ng reset sa issue na yun,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay kasunod ng makailang ulit na pagbatikos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro laban sa Beijing at ang sinasabing “kakapusan ng tiwala” pagdating sa pagsunod sa international law.
Sinabi ni Castro na ang opinyon ni Teodoro ay dapat na tratuhin na iba sa pahayag ng Pangulo.
“Once the President talks to the representative of another country, hindi niya pwede sabihin na, ‘Hindi ako makikipag-usap sa iyo kasi sinungaling ka,’” ani Castro.
“Iba ang estado ng Pangulo, iba ang estado ng defense secretary,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, maayos na natapos ang pulong ni Pangulong Marcos kay Jing makaraan ang isang oras at 20 minuto.
“Pagkatapos, nakangiti naman si ambassador at pagkita nakin sa pangulo… positibo na rin,” ayon kay Castro.
“We should always have good faith. Mahirap makipag-deal kapag ang kausap mo iisipin mo agad na magsisinungaling,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)