MANILA, Philippines – Namataan ang barko ng China Coast Guard (CCG) na bumubuntot sa Philippine civilian mission patungo sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea nitong Biyernes ng umaga, Mayo 5, ayon sa civil society coalition Atin Ito.
Sa update, sinabi ni Atin Ito spokesperson Emman Hizon na namonitor ang barko ng CCG na may bow number 3103 bandang 7:20 ng umaga sa layong 3.2 nautical miles mula sa Philippine civilian mission vessel MV Kapitan Felix Oca.
Nasa 90 nautical miles mula sa Manila at 60 nautical miles sa kanluran ng Mindoro ang barko ng Philippine civilian mission nang namonitor ang presensya ng China.
Wala pang tugon ang Chinese Embassy sa Manila kaugnay nito.
Matatandaan na nitong Huwebes ay umalis ang ikaapat na civilian mission ng Atin Ito sa Pier 15 sa Manila South Harbor.
Dinaluhan ang send-off ceremony ng mga volunteer, supporter, media partner, at miyembro ng “West Philippine Sea bloc” ng Kongreso.
“This mission sends a clear message to ASEAN leaders: the West Philippine Sea is an integral part of our nation and a zone of peace and solidarity, not one of military aggression,” ayon kay Atin Ito mission commander Rafaela David.
Layon ng inisyatibo na magpaabot ng tulong sa mga residente ng Pag-asa Island at mga mangingisda na apektado ng global oil crisis. RNT/JGC