MANILA, Philippines — Itinaas ng Pilipinas sa 7% ang bahagi ng greenhouse gas emissions reduction target na isasagawa gamit ang sariling resources ng bansa, mula sa 2.71% na nakasaad sa 2021 climate commitment.
Sa updated 2026 Nationally Determined Contribution (NDC), nananatili naman sa 75% ang kabuuang target na emissions reduction o avoidance para sa 2025 hanggang 2035.
Ang unconditional target ay bahagi ng climate commitment na inaasahang maisasagawa ng bansa nang hindi umaasa sa international climate finance, technology transfer at iba pang suporta mula sa developed countries.
Tinanggap ng climate advocacy group na Aksyon Klima Pilipinas (AKP) ang pagtaas sa 7% bilang positibong hakbang ngunit iginiit na kailangan pa ng mas agresibong aksyon laban sa climate change.
Ayon sa grupo, dapat ding dagdagan ng gobyerno ang pondong nakalaan sa climate action, energy efficiency at conservation, gayundin sa nature-based solutions.
Pinuna naman ng AKP ang kawalan umano ng malinaw na direksiyon sa updated NDC kung paano babawasan ng bansa ang pagdepende sa coal, oil at gas.
Nanawagan ang grupo para sa malinaw na just energy transition plan at decarbonization pathway na nakaayon sa layunin ng Paris Agreement na limitahan sa 1.5 degrees Celsius ang pagtaas ng global temperature.
Kabilang din sa mga pagbabago sa updated NDC ang pagsama sa forestry and other land use sector, na hindi kasama sa 2021 commitment.
Gayunman, nagbabala ang AKP laban sa labis na pag-asa sa mga kagubatan at iba pang natural carbon sinks bilang pantapat sa emissions mula sa ibang sektor. Dave Medina