HONOLULU, Hawaii – Dumating na sa Honolulu, Hawaii ang mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) upang lumahok sa Rim of the Pacific (RIMPAC) 2026, ang pinakamalaking multinational maritime exercise sa mundo na tatakbo mula Hunyo hanggang katapusan ng Hulyo.
Personal na sinalubong ni Arman Talbo ang mga opisyal at tripulante ng BRP Miguel Malvar at BRP Gabriela Silang pagdating nila sa Pearl Harbor noong Hunyo 21.
“Aloha at maligayang pagdating sa Pearl Harbor sa ating Philippine Coast Guard contingent aboard BRP Gabriela Silang. They will be participating in the biggest maritime activity, RIMPAC 2026, together with delegations from other participating countries. Mabuhay!” ani Talbo.
Ayon pa sa kanya, ipinapakita ng paglahok ng Pilipinas sa RIMPAC 2026 ang lumalakas na kakayahang pandagat ng bansa at ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa mga kaalyado at partner para sa isang malaya, bukas, at ligtas na Indo-Pacific region.
Makikibahagi ang Philippine contingent sa iba’t ibang pagsasanay kasama ang mga barko at tauhan mula sa iba pang kalahok na bansa upang mapahusay ang interoperability at kahandaan sa iba’t ibang operasyon.
Ang PCG ay magiging kauna-unahang foreign coast guard na lalahok sa RIMPAC mula nang simulan ang ehersisyo.
Ang tema ng RIMPAC 2026 ay “Partners: Integrated and Prepared.” Ito ay pangungunahan ng US Pacific Fleet at ng Commander ng US 3rd Fleet. Ang Chile ang magsisilbing deputy commander, Japan bilang vice commander, Republic of Korea para sa maritime component, at Canada para sa air component.
Lalahukan ang ehersisyo ng 31 bansa sa paligid ng Hawaiian Islands. Kabilang dito ang humigit-kumulang 40 barko, limang submarino, 140 sasakyang panghimpapawid, at mahigit 25,000 personnel.
Saklaw ng mga pagsasanay ang amphibious operations, missile at gunnery drills, anti-submarine warfare, air defense exercises, military medicine, humanitarian assistance and disaster response, counter-piracy operations, mine clearance, explosive ordnance disposal, at diving at salvage operations.
Layunin ng RIMPAC 2026 na palakasin ang kahandaan at kooperasyon ng mga kalahok na bansa at isulong ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific region. RNT/MND