Home HOME BANNER STORY PH resupply boat napinsala sa panibagong water cannon attack ng China

PH resupply boat napinsala sa panibagong water cannon attack ng China

MANILA, Philippines – Nagtamo ng matinding pinsala ang Philippine resupply boat na Unaizah May 4 (UM4) sa panibagong insidente ng pambobomba ng China ng water cannon.

Patungo sana sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang resupply boat para maghatid ng suplay sa mga tropa sa lugar.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), unang nagsagawa ng mapanganib na maneuver ang barko ng China Coast Guard na 21551 sa UM4 bandang 6:08 ng umaga.

Pagsapit ng 7:09 ng umaga, nagsagawa ang CCG ng “reverse blocking maneuver” na nagdulot ng muntik nang pagbangga sa resupply boat na papalapit sa Ayungin Shoal.

Dito na nagsimulang bombahin ng China ng water cannon ang resupply boat bandang 7:59 ng umaga, “deliberately targeting and hitting the supply boat.”

Sa report ng AFP, ang Unaizah May 4 ay direktang binomba ng dalawang barko ng CCG.

“The UM4 supply boat sustained heavy damage at around 08:52 due to the continued blasting of water cannons from the CCG vessels,” ayon sa militar.

Sa video ng insidente, makikita na halos natanggal na ang kalahati ng roof deck ng UM4 dahil sa tindi ng impact ng tubig.

Habang binobomba ng tubig ng China ang UM4, hinarang naman ng barko ng CCG at dalawang Chinese maritime militia (CMM) vessels ang BRP Cabra (MRRV 4409) ng Philippine Coast Guard na isa sa designated escort vessels.

Pagsapit ng 7:20 ng umaga, sinabi ni PCG Commodore Jay Tarriela, spokesperson for the National Task Force on the West Philippine Sea, na ang BRP Cabra “impeded and encircled” ng CCG vessel 21551, kasama ang CMM vessels na may bow numbers na 00036 at 00314.

“MRRV 4409 has been isolated from the resupply boat due to the irresponsible and provocative behavior of the Chinese maritime forces, who have shown a disregard for the Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea,” saad sa pahayag ni Tarriela.

Nakapagmaniobra ang BRP Cabra at narating ang UM4 para tumulong sa resupply boat.

Pagsapit ng 11:09 ng umaga, nagawang madala ng rigid-hull inflatable boat (RHIB) ang anim na sundalo ng Philippine Navy at mahahalagang cargo mula UM4 patungo sa BRP Cabra.

Hindi na nagawa pang makapagpatuloy ng byahe ang Unaizah May 4 habang naglagay ng floating barriers ang barko ng CMM sa shoal.

Dinala na sa mainland Palawan ang nasirang barko kasama ang mga crew members nitong nasaktan sa insidente. RNT/JGC

Previous articleEasterlies magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa
Next articlePatay sa concert hall attack sa Russia, umakyat na sa 133