MANILA, Philippines – Pinuna ni Sen. Erwin Tulfo ang Philhealth sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development matapos malaman na hindi pa saklaw ng health insurance corporation ang eyeglasses at hearing device para sa mga senior citizen.
“Tuloy-tuloy po ba yung pagbibigay ninyo ng mga antipara or prescription glasses, mga wheelchair, saklay sa mga senior citizen natin, ‘yung mga walking device, hearing devices, mayroon po ba, ongoing pa rin po ba ‘yan? Kasi parang wala na ako naririnig,” ani Tulfo.
Ayon kay Jojit Mislang, chief, social insurance specialist ng PhilHealth, “Sa antipara po and some hearing devices right now, hindi pa siya covered ni PhilHealth. Doon po sa mobility, dun po sa mga wheelchair, recently included lang po sa benefits ni PhilHealth.”
Idinagdag ni Mislang na kinonsulta ng PhilHealth ang Department of Health (DOH) sa pagbuo ng mga benepisyo.
“Hindi po siya included na maging exclusive po muna maibigay kay senior citizen po ‘yung antipara,” ani Mislang.
Inatasan ni Tulfo ang committee secretary na imbitahan si PhilHealth Acting President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado.
“Last year pa po sinasabi na mayroon na raw, bibigay na ‘yung mga salamin, mga hearing aid. ‘Yan ang kailangan ng ating mga senior citizens,” aniya.
“Yung hearing aid, parang ‘yung mga salamin po, magkano lang naman, Diyos ko po. Nasa P900 lang yata ‘yun, P1,000, hindi pa po maibigay-bigay sa senior citizens natin.”
Samantala, in-update ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang komite sa kanilang social pension program na nagsasabing mahigit 800,000 indigent senior citizens ang naghihintay na mapabilang.
Sinabi ni DSWD Director Alfrey Gulla na higit sa 4 milyong mahihirap na senior citizen ang aktibong benepisyaryo, habang 834,158 ang waitlisted noong Hulyo 31, 2025.
Ang kabuuang alokasyon para sa social pension noong Hulyo 31 ay higit sa P49 milyon; P10 milyon pa ang kailangang ipamigay. RNT/MND