MANILA, Philippines – Dahil sa peligrosong pagtaas ng presyo ng langis bunga ng tensyon sa Gitnang Silangan ay muling nanawagan si Quezon City Rep PM Vargas sa kapwa mambabatas na agarang maipasa ang Philippine Bicycle Act.
Ito ay upang mapanatili aniya ang sustainable na transportasyon habang hinaharap ng mga Pilipino ang krisis sa langis sa bansa dulot ng gulo sa Middle East.
Nakapaloob sa House Bill No. 7106 ang pagkakaroon ng isang “multi-layered” na solusyon sa krisis sa transportasyon: ang pagtataguyod ng alternatibong sasakyan na environment-friendly at mabuti sa kalusugan, pagbibigay ng solusyon laban sa mahal na petrolyo, at ang pagpapaluwag ng trapiko sa mga lungsod.
Noong 2023 ay napaulat ang tinatayang 1.3 milyong pribadong sasakyan na nakarehistro sa Pilipinas, at nakadaragdag sa 34.8 milyong tonelada ng carbon dioxide (CO2)na katumbas sa greenhouse gas emissions. Ang bultong ito ang nagpapatindi sa pagkasira ng kalikasan at sa matinding trapiko na umuubos sa produktibidad ng mga mamamayan sa mga urbanisadong lugar.
Giit pa ng kongresista na habang bilyon-bilyon ang nawawala sa Pilipinas dahil sa pagsisikip ng daloy ng trapiko ay matagumpay namang naipatupad ng mga bansang tulad ng Netherlands at Denmark ang mga batas upang gawing bahagi ng pambansang sistema ng transportasyon ang mga bisikleta.
Pangunahing layunin ng panukalang batas ay ang mailunsad at mapalawak ang mga network ng bike lanes na sinimulan noong panahon ng pandemya, na ayon kay Vargas ay nagpatunay na ang pagbibisikleta ay isang permanenteng solusyon sa transportasyon.
“Naniniwala tayo na ito ay isang viable solution sa mga hamon na kinakaharap natin ngayon. Hindi lang natin tinutulungan ang kalikasan, nagbibigay din tayo ng paraan para mabawasan ang ating pagdepende sa imported oil habang pinapabuti ang ating fuel at energy infrastructure.”
Dahil dito ay hinikayat ng kongresista ang pribadong sektor na suportahan ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bike-friendly na pasilidad, tulad ng mga shower area at locker sa kanilang mga opisina.
Isinasaad din sa HB 7106 pagbibigay ng tax incentive ng mga employer sa mga empleado na ang gastos para sa mga bisikleta at kaugnay na pasilidad ay maaaring ibawas sa kanilang gross income.
Kabilang din sa mga panukalang inihain ni Vargas na kaugnay sa pagtitipid ay ang “Rent-a-Bike” bill sa 14 barangay sa ika-limang distrito ng Quezon City upang ipakita ang pagiging epektibo ng programa.
Nakapaloob naman sa panukalang ito ang paglikha ng Local Bicycle Office (LBO) sa bawat lungsod at munisipyo upang pamahalaan ang konstruksyon, maintenance, at pag-aalis ng mga harang sa mga itinalagang lane. (Meliza Maluntag)