MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang bawat pamilya na magkaroon ng sariling plano sa paghahanda sa lindol kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa PHIVOLCS, dapat magtakda ang bawat pamilya ng lugar na pagtatagpuan sakaling magkalindol, lalo na kung nasa paaralan o magkakahiwalay ang mga miyembro ng pamilya. Pinayuhan din ang publiko na maghanda ng go-bag at tiyaking sumusunod sa minimum engineering standards ang kanilang mga bahay at iba pang istruktura.
Sinabi ng ahensya na mahigit 6,000 aftershocks na ang naitala matapos ang lindol sa Mindanao.
Binuo rin ng PHIVOLCS ang “How Safe is My House” app upang masuri ang earthquake vulnerability ng isa hanggang dalawang palapag na residential concrete hollow block houses. Inilunsad din nito ang Handa Integrated Platform na gumagamit ng geospatial data at artificial intelligence (AI) para sa mas maagang babala at mas mahusay na paghahanda sa sakuna.
Ayon pa sa PHIVOLCS, nakararanas ang bansa ng hindi bababa sa 30 lindol kada araw.
Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 1,599,350 indibidwal o 375,664 pamilya sa 580 barangay sa Davao Region at SOCCSKSARGEN ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol. Naitala rin ng ahensya ang kabuuang 77 nasawi sa insidente. Santi Celario