Home NATIONWIDE Pilipinas dapat maghanda sa posibleng paglala ng tensyon sa Ayungin – analysts

Pilipinas dapat maghanda sa posibleng paglala ng tensyon sa Ayungin – analysts

345
0

MANILA, Philippines – Dapat maging handa ang Pilipinas sa anumang posibilidad habang patuloy ang kilos ng China sa Ayungin Shoal, partikular ang lugar malapit sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing naval outpost ng bansa mula pa 1999, ayon sa mga eksperto nitong Sabado, Agosto 23.

Iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “hindi pangkaraniwang” galaw ng Chinese maritime forces sa lugar. Sa inilabas na video, makikitang hinarangan ng dalawang Philippine rubber boats ang tangkang paglapit ng rigid hull inflatable boat (RHIB) ng China Coast Guard (CCG) sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Prof. Chester Cabalza ng International Development and Security Cooperation, nakababahala ang kilos ng China lalo’t may kasunduan na noon para sa resupply mission.

“After ng collision na yun, mukhang gumagawa sila ng ingay ngayon at very unlawful at unacceptable kasi mukhang babaliin nila ang usapan ng Pilipinas at China,” ani Cabalza.

Nakita rin kamakailan ang ilang Chinese personnel na may dalang tila advanced weapons sakay ng RHIB, indikasyong posibleng naghahanda sila para sakupin ang Ayungin Shoal.

“Kung hindi nila makuha by lawful means, probably they could do forceful retake. Medyo sophisticated na actions ang kanilang ginagawa, may tendency na violence will really happen,” babala ni Cabalza.

Idinagdag niya na dahil sa greyzone strategies ng China, maraming posibleng kahulugan ang kilos nito, kaya’t dapat nakabantay ang Pilipinas sa lahat ng senaryo.

Para kay Prof. Renato de Castro ng De La Salle University, malinaw na ipinapakita ng China na handa itong gumamit ng puwersa.

“We have to prepare for possibilities, eventualities… we have to come up with a contingency plan, possibility of casualties, how would you respond to kinetic force, and of course, what kind of assistance we should be getting from our treaty ally – which is the US,” ani de Castro.

Sinabi pa niya na maaaring umapela ang Pilipinas sa Mutual Defense Treaty (MDT) sakaling lumala ang tensyon, ngunit hindi ito awtomatikong hahantong sa digmaan.

“The MDT provided for both the Philippines and the United States to consult each other. The result of that consultation remains to be seen,” dagdag niya.

Naitala ng AFP ang 25 barko at RHIBs ng CCG at Chinese maritime militia, gayundin ang dalawang aerial assets ng China na lumipad sa Ayungin Shoal.

Noong nakaraang taon, nagkasundo ang Pilipinas at China sa isang “provisional arrangement” para sa resupply ng tropa sa Ayungin. Pinagtibay muli ito noong Enero 17 sa ika-10 Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea.

Patuloy na umaasa sa regular na resupply ang iilang sundalong Pilipino na naka-deploy sa kinakalawang na BRP Sierra Madre para sa pagkain, tubig at iba pang pangangailangan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here