MANILA, Philippines — Naglabas ang Philippine Navy ng primer na naglalaman ng mga pangalang Pilipino at Chinese ng piling mga tampok sa West Philippine Sea matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng lokal na pangalan sa 131 tampok sa Kalayaan Island Group (KIG).
Sa ilalim ng Executive Order No. 111 na inilabas noong Marso 26, inatasan ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na gumawa at maglathala ng updated charts at maps na magpapakita ng mga opisyal na pangalan.
Layunin ng hakbang na palakasin ang kontrol at soberanya ng Pilipinas sa Palawan at sa West Philippine Sea, bagaman inakusahan ng China ang Pilipinas ng paglabag sa international law at nagbanta ng “measures” upang protektahan ang inaangkin nitong soberanya.
Ayon sa Philippine Navy, may humigit-kumulang 250 isla, atoll, at shoal sa buong South China Sea, at karamihan sa mga ito ay inaangkin na ng iba’t ibang bansa.
Kabilang sa mga tampok na okupado ng Pilipinas na nakasaad sa primer ang Rizal Reef o Siling Jiao, Ayungin Shoal o Ren’ai Jiao, at Pag-asa Island o Zhongye Dao. Nasa listahan din ang mga tampok na okupado ng China gaya ng Calderon Reef o Huayang Jiao, Kagitingan Reef o Yongshu Jiao, Panganiban Reef o Meiji Jiao, at Zamora Reef o Zhubi Jiao.
Tinukoy rin sa primer ang pangunahing pinag-aagawang tampok na Bajo de Masinloc o Panatag Shoal, na tinatawag ng China na Huangyan Dao. Kasama rin sa talaan ang ilang tampok na inokupahan ng Vietnam, Malaysia, at Taiwan, kabilang ang Ligao Island o Itu Aba, na tinatawag sa Chinese na Taiping Dao.
Patuloy ang tensyon sa lugar habang inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea, isang mahalagang rutang dinaraanan ng mahigit $3 trilyong shipborne trade taun-taon, kabilang ang mga karagatang inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa mga katubigan sa kanlurang bahagi ng arkipelago ng Pilipinas, kabilang ang Luzon Sea at mga tubig sa paligid, loob, at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at idineklara na ang nine-dash line ng China ay “no legal basis,” isang desisyong patuloy na hindi kinikilala ng Beijing. Dave Baluyot