Home NATIONWIDE Pilipinas self-sufficient na sa bigas pagsapit ng 2028 – NIA

Pilipinas self-sufficient na sa bigas pagsapit ng 2028 – NIA

MANILA, Philippines – Posibleng maging self-sufficient na sa bigas ang Pilipinas pagsapit ng 2028 o sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa National Irrigation Administration (NIA) nitong Linggo, Pebrero 4.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni NIA acting administrator Engr. Eduardo Guillen na kabilang sa kanilang mga plano ay ang bumuo ng mga dam, kapwa reservoir at diversion types, kasabay ng paggiit ng pangangailangan sa sapat na suplay ng tubig.

“Confident ako na by siguro mga 2028, rice sufficient na tayo dahil sa ating maidaragdag na area for irrigation,” aniya.

Noong Abril 2023, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na target nito ang 100% self-sufficiency sa bigas para sa Pilipinas sa 2027 na maaabot sa pamamagitan ng Masagana Rice Program 2023-2028.

Sa kaparehong taon, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kung magsasagawa ang pamahalaan ng major reorganization sa ilang ahensya, mas magiging posible ang self-sufficiency sa bigas sa loob ng dalawang taon.

Layon ng Masagana Rice Program na “stabilize the country’s rice supply between 24.99 million metric tons (MT) to 26.86 million MT, lower rice inflation to less than 1% annually, increase farmers’ income by 54%, and ensure rice availability and safety at all times by maintaining sufficient rice buffer stock at the DA-National Food Authority (NFA) as mandated by the Republic Act No. 11203 or the Rice Tariffication Law.”

“Obviously ang number one na tututukan natin ay ang water supply, ‘yung tubig—kung paano natin matutulungan ang farmers sa tubig dahil ito talaga ang kailangan natin sa food production,” anang opisyal.

Sa kabila nito, iginiit ni Guillen na magiging sapat ang bigas para sa mga Filipino sa kabila ng El Niño dahil napaghandaan na ito.

“Confident akong magsasabi na ‘yung production area ng NIA ngayong El Niño, ay tataas pa ang production namin ng palay,” aniya.

“Totoong hindi namin lahat mapatubigan ang area namin ngayon kasi nga ang vulnerable ay nasa 20%. Pero kapag inimplement namin ‘yung aming alternate wetting and drying technology, makakabawi na kami,” dagdag ni Guillen.

Tinatayang mananatiling top importer ng bigas ang Pilipinas ngayong taon batay sa report ng United States Department of Agriculture (USDA). RNT/JGC

Previous articleDENR, NASA sanib-pwersa sa air quality research sa Metro Manila
Next articleAnti-judaism, anti-semitism kinondena ni Pope Francis